Ingrown toenail
LAGING nabibiktima ang hinlalaki ng paa kapag nagpe-pedicure. Nakita ko nang nilagyan ng pulbos ng Penicillin o Amoxicillin ang sugat. May iba naman na nagbabalot ng kung anong dahon dito para mahinog daw agad at magnana. Tama ba ang ganitong praktis?
Lumalabas ang ingrown toenails kapag hindi tama ang pagkaka-trim ng kuko at ang matalim na bahagi ng pinutol na kuko ay kumagat sa balat sa hangganan ng kuko. O maaari ring masyadong mahigpit ang ginamit na sapatos kaya nadiinang masyado ang kuko at kumagat sa katabing kalamnan. Ito ang tinatawag nating ingrown toenails.
Ang praktis ng paglalagay ng Penicillin powder sa ingrown toenail (na naging praktis na ng marami nating kababayan) ay hindi tama. Bakit? Kasi ang mga kapsulang kagaya nito ay nilikha para inumin, malusaw sa sikmura, at masipsip muna ng bituka bago sumama sa sirkulasyon, patungo sa mismong lugar kung saan may impeksyon. Kung ganun ang aksyon ng gamot, ano ang magagawa ng paglalagay nito sa na-murder na kuko sa hinlalaki ng paa? Wala po. Para ka lang naglagay ng baby powder sa sugat para matuyo ito. Pero walang aksyon na kontra-impeksyon. Sayang lamang ang antibiotiko kapag ibinudbod sa sugat.
Paano ba natin maiiwasang magkaroon ng ingrown toenail?
??Gupitin lamang ang dulo ng kuko na pahalang. Hayaang mas mahaba ng kaunti ang kuko sa magkabilang gilid para ang matalim na bahagi nito ay hindi kumagat sa balat.
??Gumamit ng kumportableng sapatos para hindi masyadong mapipi ang kuko sa kinakapitang balat.
??Panatilihing malinis at tuyo ang mga paa.
Ano ang puwedeng remedyo para sa ingrown toenail?
??Ibabad ang paa sa maligamgam na tubig
??Maglagay ng isang maliit na piraso ng binasang bulak sa ilalim ng tagiliran ng kuko para maiangat ito nang kaunti at nang hindi ito kumakagat sa balat. Gawin ito araw-araw hanggang humabang muli ang kuko at saka putulin.
??Ang pagbababad ng paa sa maligamgam na tubig sa loob ng 15 minutos tatlong beses maghapon ay makatutulong para mabawasan ang pamamaga o pangingirot habang pinahahabang muli ang kuko.
??Kung maimpeksyon ang ingrown toenail (tumindi ang pamamaga, makirot, at may nana), magtungo sa doktor para mabigyan ng tamang gamot. Puwedeng lagnatin kapag na-infect ang toenails.
??May ginagawang operasyon sa kuko ng paa kung saan tinatanggal ang kalahati ng kuko kapag malala na ang ingrown toenail infection.
??Muli namang tutubo ang kuko ng hinlalaki sa paa sakaling mabaklas ito sa kinakapitang kalamnan.
- Latest