Lalaki sa Finland, mag-isang gumawa ng skating rink na 25 kilometro ang haba
ISANG lalaki sa Finland ang hinukay ang snow sa isang lawa roon upang makagawa ng isang dambuhalang skating rink na puwedeng gamitin ng lahat.
Gamit ang isang de-motor na snow plough ay inalis ni Sami Paivike ang nakabalot na snow sa lawa ng Kemojoki na naging yelo na dahil sa napakalamig na panahon sa Finland ngayon na umaabot sa negative 40 degrees Celsius. Nasa sa 15.5 milya o 25 kilometro ang lawak ng skating rink na ginawa ni Sami mula sa bahagi ng lawa na kanyang inalisan ng niyebe.
Naisip niyang gumawa ng isang higanteng skating rink matapos siyang makagawa ng isang maliit na bersyon nito sa kanyang bakuran. Ginawa niya ang maliit na skating rink para sa kanyang mga anak kaya naisipan din niyang gumawa ng isang dambuhalang skating rink na kung saan puwedeng mag-skating ang lahat ng kanyang kababayan mula sa siyudad ng Rovaniemi kung saan naninirahan si Sami.
Wala namang naging pagtutol mula ang mga kinauukulan sa siyudad sa ginawa ni Sami at wala silang balak pigilan ang mga tao na gamitin ito. Marami na ang nag-i-skating sa ginawang rink ni Sami kaya naman natutuwa siyang marami ang nakikinabang sa kanyang pinaghirapan.
- Latest