Mga bahay sa isang bayan sa India, hindi uso ang pinto!
ISANG bayan sa India ang masasabing kakaiba dahil ang mga bahay doon ay walang pinto.
Hindi kaagad mapapansin kung ano ang kakaiba sa mga bahay sa bayan ng Shani Shingnapur dahil hindi naman kakaiba ang mga disenyo o arkitektura ng mga ito.
Ngunit kung titingnang maigi ang bawat isa ay mapapansin na naiiba ang mga bahay dahil halos lahat ay walang pinto.
Ang hindi pagkakaroon ng pinto ng mga bahay sa Shani Shingnapur ay dahil sa pananampalataya ng mga residente roon. Sinasamba ng mga nakatira sa nasabing bayan si Shani, isang diyos sa Hinduismo. Sinasabing pinoprotektahan ni Shani ang lahat ng nakatira sa bayan kaya hindi na kailangan ng sinuman ang proteksyon para sa kanilang mga bahay. Kahit mga palikuran ay walang mga harang bukod sa mga kurtina na tanging nagbibigay ng privacy sa gumagamit nito.
Ipinagmamalaki naman ng mga taga-Shani Shingnapur na walang insidente ng krimen na katulad ng pagnanakaw sa kanilang bayan. Dagdag pa nila na kung may mga dumadayo man na masasamang-loob ay nagpapakabait ang mga ito sa sandaling tumapak sila sa Shani Shingnapur.
May mga hindi naman naniniwala sa mga pahayag na walang nangyayaring krimen sa Shani Shingnapur. Marami ang nagsasabing hindi lamang nagsusumbong sa mga kinauukulan ang mga nanakawan dahil na rin sa kagustuhan ng mga residente na pasiglahin ang turismo sa kanilang bayan. Wala namang balak ang pamahalaan na ipagbawal ang tradisyon sa Shani kaya pababayaan lang nila ang kawalan ng pinto sa mga bahay doon kung hindi naman nagiging malala ang krimen.
- Latest