Lalaki sa UK, narating ang 201 bansa na hindi sumasakay ng eroplano!
NALIBOT ng isang 33-anyos na lalaki sa United Kingdom ang buong mundo ng hindi man lang sumasakay ng eroplano kahit isang beses.
Nagawa ito ni Graham Hughes sa pamamagitan ng paglalakad at pagsakay lamang sa mga barko, bus, at tren upang mabisita ang 201 bansa sa mundo. Malaki rin ang natipid ni Graham dahil gumastos lamang siya $100 kada linggo sa kanyang biyahe na tumagal ng 1,426 na araw o humigit-kumulang na apat na taon.
Sinimulan ni Graham ang kanyang paglilibot sa Uruguay at mula roon ay naglakbay siya pa-silangan. Isa ang Pilipinas sa mga huling narating ni Graham dahil sa lokasyon ng ating bansa na nasa malayong silangan o far east. Nakarating siya sa Zamboanga City sa pamamagitan ng pagsakay ng isang barko mula sa Malaysia. Nanatili siya sa nasabing siyudad ng ilang araw bago siya umalis at ipinagpatuloy ang kanyang kamangha-manghang paglalakbay.
Sulit naman ang ginawang paglilibot ni Graham dahil nakapagtala siya ng isang bagong world record mula sa kanyang paglalakbay ng hindi sumasakay ng eroplano. Ayon sa Guinness, naitala ni Graham ang world record pagdating sa pinaka-maraming bansang nabisita sa loob ng isang taon na hindi sumasakay ng eroplano.
Kuntento naman si Graham sa paglalakbay na kanyang ginawa dahil marami siyang natutunan mula sa mga lugar na kanyang nabisita at mga tao na kanyang nakasalamuha.
- Latest