Manong Wen (157)
“HINDI ko matatanggap ang aking ina, Jo,” sabi ni Princess sa matigas na boses.
“Kahit na magmakaawa siya sa ‘yo?”
“Oo.’’
Hindi na sinundan pa ni Jo ang tanong. Halata sa boses ni Princess ang katatagan sa pasya. Hindi na niya dapat pang tanungin kung bakit. Pero si Princess na rin ang nagsabi pa ng mga hinanakit sa ina.
“Noon pa, matagal ko nang nasabi sa aking sarili na hindi ko siya mapapatawad. Noon pa, itinuring ko na siyang patay!’’
Lalo nang hindi nakapagsalita si Jo. Talagang walang makapagpapabago sa pasya nito.
“Ang sakit talaga ng ginawa niya kay Tatay --- walang kasingsakit na hanggang ngayon ay sariwa pa sa alaala ko. Di ba naikuwento ko na sa’yo ang nangyari pero uulitin ko uli sa iyo. Nahuli ni Tatay si Nanay sa isang bahay dito sa bayan na kasama ang kalaguyo. Huli sila sa akto. Pero hindi na lang kumibo si Tatay dahil ang lalaki ay may koneksiyon daw sa mayor. Nagsawalangkibo na lang si Tatay. Naisip daw niya kung gaganti sa lalaki ay baka mapahamak lamang siya. Kami pa rin ni Precious ang nasa isipan niya kahit na pinagtaksilan siya.
“Awang-awa ako kay Tatay. Kaya nang mamatay siya, pakiramdam ko, nagunaw na ang mundo. Kaya nga nasabi ko sa sarili, hindi ko mapapatawad ang taong naging dahilan nang lahat. Kahit anong mangyari!”
(Itutuloy)
- Latest