Bagong bihis na Kodakan
NAPAULAT kamakailan na nagbabalak na ring gumawa ng sarili nilang smartphone at tablet ang Kodak na maraming dekada nang nakilala sa larangan ng photography. Nakipagtambalan ito sa kompanyang British na Bullit Group para sa paggawa ng mga Android na smartphone at tablet.
Kabilang ang Kodak sa malalaking negosyong lubhang ‘sinalanta’ sa patuloy na pagsulong ng mga makabagong teknolohiya. Sino pa nga ba ang bibili ng kanilang kamera kung meron namang kasamang magagandang camera sa mga smartphone at tablet na usong-uso sa kasalukuyan? Nagdeklara na nga ng bankruptcy ang Kodak noong Setyembre.
Maraming dekada nang namayagpag at nakilala ang Kodak sa buong mundo. Matagal din itong nakasanayan ng mga tao pagdating sa kuhanan ng litrato kahit pa merong iba pang mga brand ng mga camera. Sa tindi ng name recall, naging bukambibig na ito ng mga tao. Sa Pilipinas, namumutawi sa bibig ng sino man ang salitang ‘Kodakan’ na tila naging bahagi na ito ng kanilang lengguwahe kapag litrato ang usapan.
Kaya parang bagong pagbibihis ng Kodak ang desisyon nitong gumawa at magbenta ng mga tablet at android smart phone na inaasahang ilulunsad sa 2015. Sa produktong ito, makakakuha raw ng magandang litrato, makakapag-edit, makakapag-share, store at makakapag-print agad ng litrato. Hindi nga lang detalyado ang pahayag nila pero medyo nakakagulat ang pahiwatig na maaari na agad i-print ang litrato pagkakuha sa smartphone o tablet. Kung paano, abangan!
***
Puwede bang isama sa Olympics ang video games o e-sports?
Isinusulong ng tagapaglikha ng computer game na World of Warcraft na maisama sa mga laro sa Olympics ang mga video game. Meron na raw malawak na kahulugan ang sport at maaaring maisama rito ang tinatawag niyang mind sport o e-sport.
Kung sakali, magiging paligsahan ng isip ang video game sa Olympics na karaniwang nagtatampok sa mga pisikal na pampalakasan. Magkakaroon naman ng dagdag na dahilan ang maraming estudyante sa paglalaro ng computer game sa halip na tutukan ang kanilang pag-aaral.
***
Ayon sa mga datos na nakalap ng mga researcher mula sa 24 ship expedition na isinagawa sa buong mundo sa nagdaang anim na taon, umaabot sa 269,000 tonelada ng mga basurang plastic ang nakakalat sa mga karagatan ng ating mundo. Kabilang dito ang mga lambat, plastic shopping bag, bote, laruan, action figure, tansan, pacifier, sepilyo, botas, inidoro, hawakan ng payong, deodorant roller ball, timba, at iba pang klase ng plastik na pumapatay sa maraming lamandagat.
- Latest