EDITORYAL - Kakulangan ng MMDA
K ULANG sa sistema ang Metro Manila Development Authority (MMDA) sa pagsasaayos ng trapik kaya nagkakaroon ng kaguluhan ang enforcers at motorista. May kanya-kanyang agenda sa pagdi-direct ng trapik ang MMDA enforcers na pinagsisimulan ng kontrobersiya.
Saan naman nakakita na mayroon nang traffic light ay mayroon pang nagdi-direct na traffic enforcer Sinasayang lang ng enforcers ang oras sa kalye gayung mayroon namang traffic signal. At kakatwa ang ginagawa nila na nagtitipon-tipon sa kantong may maayos na traffic light samantalang ayaw asikasuhin ang pagmamando ng traffic sa mga may depektibong ilaw. Kung saan yung may sira, ayaw nilang ayusin at doon sila sa may maaayos na traffic. At eto pa, kapag maganda ang panahon, tipun-tipon sila o pulu-pulutong sa maayos na intersection pero kapag umulan at magbuhul-buhol ang trapiko, iniiwan na nila ito.
Nakalilito ang kanilang sistema sa pagdi-direct ng trapik at ito ang maaaring dahilan kaya may mga kaguluhan. Kagaya ng nangyaring isyu sa traffic enforcer na si Jorbe Adriatico kamakailan na sinapak umano ng motoristang si Joseph Russel Ingco. Tinamaan si Jorbe sa ilong. Hanggang ngayon, wala pang linaw kung sino ang may kasalanan.
Kung maayos ang sistema ng MMDA, wala sanang sapakan. Kung may maayos na pamamahala, hindi na kailangang lapitan pa ng enforcer ang nagkamaling motorista para ipaalam na nagkamali siya. Ang magpapatunay ay ang mga CCTV na dapat ay naka-install sa mga intersection. Pero dahil ill-equipped ang MMDA, walang ganito kaya nagkakaroon ng pagkakataon ang mga enforcer na lumapit at magkuha mismo ng video sa nagkamaling motorista. Pero sa ganitong paraan, tila may nilalabag ang enforcer sa karapatan ng motorista. Hindi dapat ganito. Ang CCTV ang magpapatunay na mali ang driver at hindi ang enforcer. Kapag nakunan ng video, irereport na lang ito sa LTO at sila na bahalang kumastigo sa drayber kapag nag-renew ng lisensiya o ng registration ng sasakyan. Dito mapaparusahan ang nagkamaling motorista. Hindi makapagsisinungaling ang CCTV.
- Latest















