Sidewalk casino
TUMATAGINTING na P450,000 ang offer ni alyas Alex kay Caloy Colanding para pabuksan at patakbuhin ng huli ang sidewalk casino sa Mt. Pinatubo sa Cubao, Quezon City. Mahigit na ka-sing dalawang buwan na sarado itong sidewalk casino kaya’t atat na atat na si Alex na mabuksan ito subalit ayaw ni NCRPO chief Dir. Carmelo Valmoria. Si Caloy na lang ang huling baraha ni Alex para mabuksan ang ilegal na negosyo niya na kung saan limpak-limpak na salapi ang iniakyat sa kanya. Subalit ang masamang balita, tinanggihan ni Caloy ang offer ni Alex dahil kulang daw ang halagang ito. Ano? Sinabi ng mga kosa ko na ang P450,000 ay para sa intelihensiya sa City Hall, PNP operating units, NBI, GAB, at pati na ang media. Ang pasobra rito ay mapupunta kay Caloy. Kung rebisahin n’yong maigi mga kosa, ang ibig sabihin nito halos milyon ang kinikita weekly ng sidewalk casino para matugunan ang obligasyon ni Alex sa PNP, NBI, GAB at media. Kaya tama lang ang desisyon ni Valmoria na ipasara na itong sidewalk casino sa habang panahon, di ba mga kosa? Boom Panes!
Kaya naman kay Caloy lumapit itong si Alex ay dahil “napatining’ nito ang kalakaran ng pergalan nina alyas Jessica, Tessie Rosales at Sonny Atienza sa Cavite. Ilang beses na kasing iniutos ni Sr. Supt. Jonnel Estomo, ang PD ng Cavite, na ipasara ang mga pergalan nina Aleng Tessie, Jessica at Sonny subalit palaging nakikiusap si Caloy na bigyan pa sila ng pagkataon na makausap ang publisher at editor na “friend” nila para isulong ang ilegal na interes nila. At dahil palaging napagbibigyan si Caloy, ang tingin ni Alex hulog ng langit siya para mapabuksan ang sidewalk casino niya. Dito pala sa Cavite mas matikas pa ang tong collector kaysa sa PD. Boom Panes! Parang nilalaro lang ni Caloy sa palad niya si Estomo, di ba mga kosa? Hehehe! Tumpak!
Kung sabagay, may kumakalat na balita na ini-advance na ni Dodjie ang payola para kay Calabarzon police director Chief Supt. Jesus Gat-chalian hanggang sa katapusan ng Disyembre. ‘Ika nga, ma-relieve man ng maaga si Gatchalian, eh may pabaon na siya, di ba mga kosa? T’yak ‘yun! Kaya sunud-sunuran lang si Estomo kay Caloy?
Sa Metro Manila naman, mukhang di na pinapansin ang warning ni Valmoria sa 38 station commanders niya na wawalisin sila sa puwesto kapag nagbukas ang pergalan sa mga area of responsibility nila. Wala nang sali-salita basta relieve kaagad ang station commanders na sumuway sa kautusan ni Valmoria. Subalit humahangos na nagreport ang mga kosa ko sa Pasay na apat na pergalan ang may color games na mula pa noong Sabado. Ito ay ang sa binakurang lote sa Libertad at F.B. Harrison, sa Sto. Niño, sa Maricaban at sa Don Carlos. Bakit kaya malakas ang loob ni Sr. Supt. Melchor ‘‘Batman’’ Reyes, ang hepe ng Pasay police, na suwayin ang kautusan ni Valmoria? Tanong lang po! Kung sabagay, kapwa malapit kay PNP chief Dir. Gen. Alan Purisima sina Valmoria at Reyes. Abangan!
- Latest