Mini-carnival
FLASH Report: Binakuran ang isang bakanteng lote sa kanto ng Libertad St., at Harrison St., sa Pasay City para tayuan ng isang mini-carnival. Meron nang larong bingo at ang Ferris Wheel naman ay tinatayo na. Kumpleto na ang permit ng puwesto at kausap na ng financiers nito ang City Hall, Pasay police, intel at SOU ng SPD, NCRPO, OIS ng DILG, CIDG, GAB, NBI at pati na ang barangay. Ang ibig sabihin ng mga kosa ko, magkakaroon ng color games ang puwesto na ito. Paging NCRPO chief Dir. Carmelo Valmoria.
* * *
Umuusad na ang administrative case ni PO1 Jeper Villegas ng Toril, Davao dahil sa pambubugbog nito sa tricycle driver na si Manuel “Willy” Corral VII. Nais alamin ng PNP kung bakit hindi nakapag-file ng kasong physical injuries with grave threats ang Davao police laban kay Villegas e malinaw na nakunan pa ang pambubugbog ng closed-circuit TV camera. Sa ngayon, naghahanap ng testigo ang Davao police dahil walang gustong lumutang para ituro nga si Villegas. May nakalap pa na balita ang pamilya ni Corral na ipinatumba ang biktima at hindi pera ang bayad kundi shabu. Ano ba ’yan? Kaya tumutulong ang pamilya ni Corral para makahanap ng testigo at nang makasuhan ang mastermind at magkaroon ng hustisya ang kanyang kamatayan. Hehehe! Sana mapabilis ang usad ng kaso para naman hindi mapabilang sa unsolved case itong nangyari kay Corral, di ba mga kosa? Boom panes!
Ayon sa pamilyang Corral, ang biktima ay isang police asset at gusto na niyang bumitaw at mamuhay nang matiwasay at malayo sa gulo. Wala pang malinaw na dahilan kung bakit binugbog ni Villegas si Corral sa parking lot ng funeral parlor kung saan nakaburol pa ang isa niyang kapatid. Napabalita ang kasong pambubugbog kay Corral sa Davao at isiniwalat pa niya sa isang TV interview ang threat sa kanyang buhay. Pauwi na si Corral nang tambangan at walang awang pinagbabaril noong Sept. 13, mga 200 metro lang ang layo sa burol ng pumanaw niyang kapatid. Wala pang linaw kung sino talaga ang gunman subalit malakas ang suspetsa ng pamilya Corral na may kinalaman ang mga pulis ng Toril sa kanyang kamatayan. Tiyak ’yun!
Lumapit na ang pamilya ni Corral kay Davao City Mayor Rodrigo Duterte subalit wala pang tugon ito sa kaso dahil sa abala ito sa planong kakandidato siya sa pagka-pangulo sa 2016 elections. Sa ngayon, kay Justice Secretary Leila de Lima sila lumapit para utusan nito ang NBI na makialam sa imbestigasyon ng kaso ni Corral. Lumapit na rin sila kay CIDG chief Director Benjie Magalong at maging kay dating PNP chief at Yolanda rehab czar Ping Lacson. Hehehe! Bongga pala ang connections nitong mga Corral, ’di ba mga kosa? Samahan natin ang pamilyang Corral na magkaroon ng hustisya ang kanyang kamatayan. Tumpak!
May balita pa na kinuha rin ng pamilyang Corral ang serbisyo ng batikang trial lawyer na si Harry Roque para hawakan ang kaso. Nakupoooo! Totoo ba ito panyerong Romel Bagares? Magandang laban ang ibibigay nitong law firm ni Roque para sa pamilyang Corral! Abangan!
- Latest