Sementeryo sa outer space
MULA pa noong dekada ’90, nauso na ang paglilibing ng mga patay sa kalawakan. Kalimitan ito sa ibang mauunlad na bansa tulad sa Amerika. Wala pa akong nababalitaang Pilipino na namatay at inilibing sa labas ng daigdig pero hindi na rin ito malayong mangyari.
Hindi naman iyong aktuwal na katawan o bangkay ng tao ang pinapalutang sa kalawakan o inilalagak sa ibang planeta. Sinusunog muna ito (cremation) at ang abo niya ay isinisilid sa kahon na ipapasok sa isang spacecraft. Merong bangkay na hinahayaan na lang lumutang sa orbit ng daigdig hanggang sa pabalikin ito sa lupa. Ang ibang pinababalik, hindi naman nakakalapag sa lupa dahil nasusunog na ito sa atmosphere ng daigdig. Meron namang dinadala sa buwan halimbawa at doon ilalagak ang abo na nasa isang capsule. Ang iba, hinahayaan na lang makarating saan mang sulok ng kalawakan na maaari nitong maging hangganan.
Sa sitwasyon dito sa daigdig na merong mga sementeryong lubha nang masikip sa sobrang dami ng nakalibing na mga patay at hindi na sapat na merong mga apartment-type na nitso, maituturing na isang alternatibo ang ibang bahagi ng kalawakan. Lalo na kung panahon ng Undas na bukod sa dami ng mga patay ay ang dami rin ng mga dumadalaw sa mga ito. Meron ngang mga pamilya na pinapalipas muna ang mismong araw ng Todos Los Santos bago dumalaw sa puntod ng pumanaw nilang mahal sa buhay o kaya ay magtungo sa sementeryo isang araw bago sumapit ang Undas para makaiwas sa siksikan ng napakaraming tao.
Lubha nga lang magastos ang pagpapalibing sa labas ng daigdig na hindi naman kakayanin ng nakakaraming mamamayan ng ating planeta. Lalo ring mahirap kung dadalawin mo ang patay sa malayong sulok ng universe na kinalilibingan nito. Pero hindi natin masasabi ang mangyayari sa hinaharap. Baka dumating ang panahon na maging karaniwan na lang ang sementeryo sa kalawakan.
- Latest