Pagbisita ni Leni sa Senado, ano ang anunsiyo
UMUGONG na may namumuong puwersa sa Senado para ibasura ang impeachment proceeding kay VP Sara na inaabangan nang marami. Pinagdebatehan naman nina outgoing senators Koko Pimentel at Francis Tolentino ang nararapat na proseso at teknikalidad na maaring maging dahilan para hindi ito madaliang maipagpatuloy. O baka tuluyan nang hindi ituloy.
Umandar naman ang malisya ng mga malilikot na isip sa pulitika sa ginawang pagbisita ni dating VP Leni Robredo na ngayon ay mayor ng Naga city sa muling pagbubukas ng Senado. Tila pinakikiramdaman daw ni Leni ang enerhiya ng pulitika sa loob ng senado. Sino nga kaya ang susunod na Senate President?
Naniniwala ang mga intrigero na kung pagbabasehan ang ikinikilos ni Senate President Chiz Escudero, tila may hinihintay itong liwanag sa dilim na makatutulong sa susunod niyang hinahangad na marating. Maliwanag naman ang mensahe ni Presidente BBM na hindi siya kumporme sa impeachment proceeding ni Sara. Hindi kaya si Chiz ang binibihisan ni Bonget para sa 2028?
Hindi lilipas ang taon at siguradong uusok na ang usapin para sa 2028 Presidential election, kaya naniningkit na rin ang mga negosyanteng mahilig bumakas sa liyamadong kandidato para maging proteksiyon at makabahagi sa pakinabang.
Inihanda na raw ang mga kuwadra nina Sen. Risa Hontiveros, Sara Duterte at Raffy Tulfo para sa laban. May napapakiramdaman kaya ang tatlo kay Chiz?
Kung totoo ang tsismis na hindi naman talaga kasundo ng mga anak ni Digong si Bong Go, aba’y mamimiligro sila kapag may kumalabit kay Bong Go para maka-tandem. May alingawngaw na nagbulong sa akin na kaya raw ni dating House Speaker Sonny Belmonte na pagkasunduin sina Bong Go at Bam Aquino. Aba eh…let it be!
Markado si Sonny Belmonte sa mga naging lucky charm/negotiator nina Cory Aquino, Fidel V. Ramos at Noynoy Aquino. Pare-parehong wala sa listahan ng paborableng maging Presidente ang tatlo pero nagkatotoo!
At kung si alingawngaw din lang ang tatanungin, aba eh ‘di si Leni ang gawin nilang campaign manager. Tandaan natin na walang permanent enemy ang mga politician. Walang labis-walang kulang…Siguradong patok ‘yan!
- Latest