Dapat natuto na sa nakaraan!
Ang bagyong Glenda, na habang sinusulat ang kolum na ito ay inasahang hahagupit sa bansa, at sasapol sa Metro Manila.
Sinasabing kasinglakas ito ng bagyong Milenyo na nanalanta rin sa Metro Manila noong 2006.
Kagaya rin ng tinahak ni Milenyo, ang tatahakin ng bagyong si Glenda.
Dahil nga sa may kalakasan ang bagyo, kaya ilang araw na itong pinaghandaan hindi lang ng mga opisyal ng pamahalaan kundi maging ng mga indibiduwal nating kababayan.
Marahil ay natuto na sa bagyong si Yolanda na tumama sa bansa noong Nobyembre ng nagdaang taon.
Matinding pinsala at maraming buhay ang kinuha ng bagyong ito sa kabila nga nang ginawa ring mga paghahanda.
Sana nga ay totoong natuto na tayo sa mga karanasan sa nagdaan.
Sa panig ng mga indibiduwal, huwag nang lubhang maging pasaway.
Kung ano ang advise ng mga pinuno sa barangay na siyang unang nakakaalam ng inyong kalagayan, eh sumunod na at huwag ng magmatigas pa.
Unahin ang buhay kaysa sa kagamitan.
Sa panig naman ng mga opisyal ng pamahalaan, dapat ay inyo na rin itong napaghandaan.
Ibigay ang kailangang tulong ng mga mamamayan, bago, sa kasalukuyan hanggang sa matapos ang kalamidad.
Nasa inyo ang lahat ng logistic, kaya hindi ito dapat iniipit.
Matuto na rin sa nakaraan para wala nang mangyaring sisihan.
- Latest