EDITORYAL - Dagdagan ang ‘ngipin’ ng RA 8049 (Anti-Hazing Law)
KULANG pa ang ngipin ng Republic Act 8049 o Anti-Hazing Law kaya maaaring may makalusot sa mga suspect na nang-hazing kay Guillo Ceasar Servando, estudyante ng De La Salle-College of St. Benilde na naging dahilan ng pagkamatay nito noong Hunyo 28. Sabi ng National Bureau of Investigation (NBI), 20 ang suspects sa panghi-hazing kay Servando na isinagawa ng mga lider ng Tau Gamma Phi fraternity sa isang apartment sa Palanan, Makati City. Dalawa sa mga miyembro ay babae. Grabeng pahirap ang tinamo ni Servando sa initiation rites na naging dahilan ng kamatayan nito.
Kahit na sinabi ng NBI na matibay ang ebidensiya laban sa mga nang-hazing, lalo’t isang miyembro na ang umamin, hindi pa rin maiaalis na baka mawalan nang saysay ang pagsasampa ng kaso. Paano’y isa-isa nang nag-aalisan ng bansa ang mga suspect. Ayon sa report, apat na suspect na ang nakaalis ng bansa.
Ito ang isa sa mga kahinaan ng RA 8049. Dapat kapag naging suspect na ang sangkot, mag-isyu na ng hold departure order ang korte. Dahil sa bagal ng pagkilos, nawawalan tuloy ng saysay ang paghihirap sa kaso dahil nakakalabas na ng bansa ang mga suspek bago pa bumaba ang arrest warrant.
Isinasaad sa RA 8049 na bawal isailalim sa hazing ang miyembro ng fraternities, sororities at iba pang organisasyon. Habambuhay na pagkabilanggo ang parusa kapag namatay ang mga miyembro.
Subalit kahit pa habambuhay na kulong ang parusa sa nag-hazing, hindi pa rin masawata ang mga fraternity sa pagsasagawa nang pagpapahirap sa mga bagong miyembro. Nagmistulang “uhaw sila sa dugo” ng kanilang “brod”. Nalilimutan na nilang tao ang pinahihirapan. Nawawalan na ng control at palo nang palo sa hita ang kanilang ginagawa hanggang magkulay talong iyon.
Kulang pa ang ngipin ng RA 8049 kaya marami ang sumusuway. Panahon na para amyendahan ang batas at nang matigil na ang pagpapahirap at pagpatay sa mga ka-“brod”.
- Latest