Ang ama sa paningin ng anak na babae
LUMAKI akong napakalapit sa aking ama, tiyuhin at lolo. At hindi maipagkakaila ang kakaibang uri ng pagmamahal at atensiyong naibibigay ng ama sa anak na babae. Lalo na sa impluwensiya nito sa buhay ng anak. Siyempre kaiba rin ang pagmamahal ng isang ina. Subalit may mga uri ng pagmamahal at kumpiyansa na tanging ama lamang ang makapupuno sa puso at buhay ng isang anak na babae.
Ang ama ang modelo pagdating sa pamumuno. Ang papel ng ama sa lipunan ay ang maging lider ng pamilya. Ang ina ang haligi habang siya naman ang pinuno. Ang kanyang leadership skills ang isa sa mga pinagmamasdan at tinitingala at nagiging basehan ng anak sa kanyang pagtanda consciously o unconsciously. Kung ikaw ay magaling magpasunod ng mga tao, malamang namana mo ito sa iyong ama.
Ang presensiya ng ama sa buhay ng anak, lalo na sa unang limang taon ng buhay at pati sa teenage years ay crucial. Malaking bagay sa pagkapanatag ng loob ng isang batang babae ang malamang mayroon at naririyan ang kanyang ama. Ang ama ay tumatayong protector. Ang kawalan ng ama ay maaaring magkaroon ng epekto sa pakiramdam ng security o insecurity ng bata lalo na sa panahong maaari na itong makipagrelasyon. May mga kababaihang hindi palagay kung walang boyfriend o kabiyak dahil wala silang protector. Sa katipan nila hinahanap ang seguridad na hindi nakuha sa ama.
Ang ama ang isa sa basehan at pamantayan sa paghahanap ng mga babae ng kanilang magiÂging kabiyak. Kung papaano itrato ng ama ang ina, ang isa sa mga pinagbabasehan ng anak na babae sa magiging karelasyon nito. Kung abusive ang ama, maaaring lumaki ang batang iniisip na okay lamang na minamaltrato ang isang babae. Gayundin kung iginagalang at minamahal ang ina. hindi papayag ang isang anak na babae na siya ay itatrato ng mali ng mga lalaki. Dahil lumaki silang iyon ang pamantayan.
Malaki ang pasasalamat ko sa Diyos na ako ay lumaki na may mabuting role model sa katauhan ng aking ama. Nariyan din ang aking Tito Jojo at Lolo Amado na nagpakita sa amin kung papaano mahalin at igalang ang mga asawa nila at mga anak na babae.
Gayundin, ipinagpapaÂsalamat ko na ang aking mga kapatid at ama ang tumatayong tatay ng aking anak. Matagal ko nang tanggap na kahit gaano ko kamahal si Gummy, may uri ng pagmamahal na father o father figure lamang ang makakapuno. Salamat Lord sa kanila.
Sa lahat ng mga ama, laging tandaan na tinitingala kayo ng inyong mga anak, lalo na ng mga hija sa buhay ninyo. Kadalasan, ang nakakatuluyan ng mga anak ay katulad ninyo dahil kayo ang basehan nila. Siguruhing tanging mabubuti lamang ang nakikita ng mga anak.
I love you Papa! Happy Fathers’ Day!
- Latest