Taxi para sa mga alagang hayop, popular sa Dubai
INILUNSAD sa Dubai ang isang “pet taxi service†na sumusundo at naghahatid sa mga alagang hayop sa kahit anong lugar sa Dubai. Itinatag ito ng British national na si Arthur Obyrne. Naisip niya ang konsepto nang mapansin na madalas siyang pakiusapan ng kanyang mga kaibigan na dalhin ang kanilang mga alagang hayop sa beterinaryo dahil sa pagiging busy sa kanilang mga trabaho.
Naisip niyang pagkakitaan ang abalang idinudulot sa kanya ng kanyang mga kaibigan at ngayon ay lampas sa isandaang alaga na ang naihahatid ng kanyang taxi. Kadalasan ay sa beterinaryo o sa day care center niya inihahatid ang mga parukyanong hayop. Minsan din ay sumusundo siya mula sa airport dahil may mga taxi sa Dubai na tumatangging magsakay ng hayop.
May dalawang sasakyan ang pet taxi service ni Arthur at may katulong siyang tatlong assistant na pawang British nationals na may karanasan sa paghawak ng mga hayop. Ang mga sasakyan na kanyang ginagamit sa paghahatid ay kumpleto sa mga gamit na pang-hayop.
Dumami ang naging kliyente ng pet taxi service pati na rin dahil sa mga patakaran sa Dubai na kadalasang pinagbabawalan ang mga hayop sa mga pampublikong sasakyan. Dahil itinuturing na marumi ang aso ayon sa mga patakaran, walang sinuman ang maaring magdala ng kanilang alaga sa mga tren o bus bukod sa mga pasaherong may kapansanan katulad ng mga bulag.
Kabaliktaran naman ng diskriminasyong ito ang ipinapangakong serbisyo ng pet taxi service. Sinisigurado ni Arthur sa mga may-ari ng mga hayop na kanyang inihahatid na tatratuhin nilang parang miyembro ng kanilang pamilya ang kanilang mga alaga at kahit ano ang mangyari ay makakasigurado sila sa isang maginhawa at ligtas na biyahe para sa mga ito.
- Latest
- Trending