Lola sa Australia, pinagsusuntok ang pating na sumila sa kanya, nakaligtas!
SI Paddy Trumbull, 60, ng Queensland, Australia ay mahilig mag-swimming sa isang beach doon.
Isang araw, habang nasa ilalim ng dagat, naramdaman na lamang niya na tila may sumusunod sa kanya. Nang lingunin, isang maÂlaking pating ang nakita niya at aatakehin siya.
At bago pa siya nakakilos para lumayo, nasakmal na ang kanyang hita at puwit ng limang talampakang pating.
Pero malakas ang loob ni Paddy. Hindi siya nasiraan ng loob. Sa kabila na may sugat sa hita, puwit at likod, tinadyakan niya ang pating at nang mapalapit pa siya rito ay pinagsusuntok pa niya.
Ubos lakas ang ginawa niyang pagsuntok. Walang patidÂ. Kung gaano kabangis ang patingÂ, tinapatan din niya ito ng kabangisan. Patay kung patay! Ayon kay Paddy, hindi niya raw matatanggap na sa pating lamang matatapos ang kanyang buhay.
Marahil hindi na kinaya ng pating ang tuluy-tuloy na pagsuntok ni Paddy kaya lumayo ito mula sa sugatang matanda.
Nasaklolohan siya ng mga kasamahan. Inilipad siya ng isang helicopter papunta sa isang hospital kung saan siya ginamot.
Nagulat ang mga doktor na nakaligtas si Paddy sa atake ng pating. Malalim umano ang mga sugat nito at nawalan ng halos 50 porsiyentong dugo sa katawan. Sa kabila niyon, naging maayos pa rin ang kalagayan ni Paddy. Sa katunayan, nagbibiro pa siya na mabuti raw at nabawasan ang laki ng kanyang balakang matapos matapyasan dahil sa kagat ng pating.
- Latest