EDITORYAL - Huwag hayaang mamatay ang mga magsasaka
SABI ni Customs commissioner John Sevilla sa harap ng mga magsasaka noong Huwebes, mayroon daw siyang malaking leksiyon na natutuhan sa tuwing makakahuli ng mga container na punumpuno ng smuggled na bigas. Sa bawat container daw, 10 magsasaka ang nawawalan ng hanapbuhay.
Ngayon lang may Customs chief na nagsalita ng ganito sa harap ng mga magsasaka at humahanga kami sapagkat mayroon siyang pagmamalasakit sa mga magsasaka. Hindi ito narinig kay dating Customs chief Ruffy Biazon na sa panahon ng panunungkulan ay namutiktik ang rice smuggling. Pinagsalitaan na noon ni President Aquino si Biazon ukol sa smuggling pero wala siyang sinabing paraan kung paano ito wawakasan. Dahilan para mamayagpag ang rice smugglers at nagpahirap sa mga magsasaka. Hindi nagkaroon ng malasakit si Biazon sa mga magsasaka. Tama ang sabi ni Sevilla na sa bawat container ng bigas, maraming magsasaka ang naghihirap saÂpagkat inagawan ng smugglers. Kaya ang pangako ng Customs chief, paiigtingin niya ang kampanya laban sa rice smugglers. Nagsalita si Sevilla sa grupo ng mga magsaÂsaka na kinabibilangan ng Alyansa Agrikultura at Rice Watch and Action Networks.
Pangako pa ni Sevilla, sisibakin niya ang mga empleyaÂdo ng Customs na nakikipagkutsaba sa rice smugglers. Ayon pa sa Customs chief sinampahan na niya ng reklamo ang 18 Customs appraisers at examiners na hinihinalang nagpalusot ng smuggled shipment ng bigas noong nakaraang taon. Sisikapin daw niya na sa susunod na makaharap ang mga magsasaka, may iuulat siyang limang problema na nalutas na may kaugnayan sa rice smuggling.
Naniniwala kaming tutuparin ni Sevilla ang pangako at hindi matutulad sa mga nakaraang Customs chief na kayang paikutin ng mga smugglers at corrupt na empleado. Tuparin niya ang pangako sa mga magsasaka na lubhang kaawa-awa na ang kalagayan dahil sa ginagawa ng rice smugglers.
- Latest



















