SA Sabado (Marso 1) ay umpisa ng Fire Prevention Month. Ang Marso ang dineklarang pinakamainit na buwan at kadalasang nangyayari ang mga sunog. Pero sa kasalukuyan, kahit hindi Marso ay sunud-sunod na ang mga sunog. Mula Enero 1 hanggang Pebrero 13, 2014, 482 sunog na ang naitala sa Metro Manila. Ibig lamang sabihin, maaaring maganap ang sunog kahit anong buwan kaya kinakailangan ang lubusang pag-iingat. Noong Lunes ng madaling araw, isang sunog ang naganap sa Bgy. South Cembo, Makati City at isang babae ang namatay. Nag-umpisa ang sunog sa nag-overheat na wallfan. Noong nakaraang linggo, isang sunog din ang naganap sa Sta. Ana, Maynila na tumupok sa mga kabahayan. Bago ang sunog sa Sta. Ana, nagkaroon din ng sunog sa España Blvd. at ilang bahay ang natupok.
Nagpapaalala ang Bureau of Fire Protection (BFF) sa publiko na laging –check ang electrical appliances, LPG, at mga bagay na madaling sumiklab o magliyab gaya ng posporo, lighter at flammable liquids. I-check din ang mga airconditioner at mga electric fan. Linisin ang mga ito para hindi mag-overheat. Huwag na umanong gamitin ang mga ito kapag nagkaroon ng problema at ipaayos lamang sa mga awtorisadong electrician.
Kadalasang dahilan din ng sunog ang faulty electrical wiring. Ang mga lumang bahay o building ang nagkakaroon ng problema sapagkat naka-exposed ang mga wiring ng kuryente. Ang mga ito ang nginaÂngatngat ng daga kaya nagkakaroon ng short circuit. Dito mag-uumpisa ang sunog. Nararapat inspeksiyunin ang mga lumang gusali para matiyak kung ligtas pa ang mga linya ng kuryente.
Kapuri-puri naman ang maaagang pagpapaalala ng BFF sa publiko para makaiwas sa sunog. Pero mas magiging epektibo ang kampanya kung laging gagawin ang pagpapaalala buwan-buwan at hindi lamang kung sasapit ang buwan ng Marso. Kung maririnig o makikita ng publiko ang paalala, makakaiwas at mag-iingat sila.