PINALAD kaming manalo ng P1 milyon sa game show na Bet On Your Baby. Unang beses akong nanalo sa celebrity bluff. At dahil ayokong matulad sa mga napapanood sa telebisyon na mga naging milyonaryo pero hindi nahawakan nang tama ang perang napanalunan, nag-isip ako kung anu-ano ang mga dahilan at nasasayang ang milyones. Papaano ba mapapalago ang napanalunan?
1. Easy come, easy go. Hindi maiiwasang gumasta para sa luho kapag may hawak na malaking halaga, lalo na kung hindi ito pinaghirapan. At first time pa. At dahil mabilis lang napasaiyo, mas mabilis din itong magagasta kung hindi magiging maingat.
2. Kapag lumalaki ang hawak na pera, hindi rin maiiwasan ang pagtaas ng standard of living at mga gastusin. Siyempre milyonaryo ka na kaya dapat ang taste mo pang milyonaryo na. Ang hindi mo alam. hindi dapat ganito ang paggasta. Hindi masamang umangat ng kaunti sa buhay pero ilagay mo sa lugar.
3. Balato rito, balato roon. Feel na feel mo naman ang pagiging milyonaryo kung kaliwa’t kanan ang pamigay mo ng pera. Oo, mabuti ang magbigay — pero sa mga nangangailangan. Huwag itapon ang milyones kakapamigay ng walang katuturan. Hindi ka si Robin Hood.
4. Hindi pinaikot. Kung wala kang negosyo para pumasok ang salapi, ito ang problema mo. Huwag puro palabas ang pera. Isipin mo kung papaano patuloy na mananatiling busog ang bank account mo.
5. Pinagsamantalahan ng mga kamag-anak o kaibigan. May isang milyonaryo ang ginoyo ng isang distant relative na baon daw sa utang. Matapos utangan ng pera ang milyonaryo, hindi na nakitang muli. Hindi masamang tumulong. Pero mag-ingat din sa mga taong mapagsamantala. Kung kaya, mag-background check muna.
6. Iwasan ang impulse buying. Ang mga bagong milyonaryo, palibhasa ngayon lang nakahawak ng pera ay may tendency na bumili ng mga bagay kahit hindi n kailangan. May mga bumibili ng mansyon pero tatlo lang naman silang titira. Hindi praktikal at hindi naman kayang i-maintain. Esep esep!
7. Hindi mo kayang bumili ng tao. Hindi sukatan ng respeto ang laman ng bulsa mo. Huwag mong asahang dahil lang mayamang-mayaman ka na ay dapat tingalain ka ng lahat ng tao. Kapag umasta kang kaya mo silang bilhin, isa-isang maglalaho ang mga tao sa paligid mo.
8. Maglaan ng porsiyento para Sa Itaas. Sabi nga 10% ng income ay dapat mapunta sa tithing o donasyon sa simbahan. Huwag kang mag-atubiling ibigay ito dahil hindi mo naman pinaghirapan. Nararapat mong ibalik iyan sa nagkaloob sa iyo.