‘Holdap-Fare’
GUMAGALA ang mga mapagsamantalang taxi driver. Kuwidaw kayo! Posible kayong mabiktima ng kanilang modus na panlilinlang sa pamasahe. Sila ‘yung mga taxi driver na nag-aalok ng serbisyo sa dis-oras ng gabi. Namimili sila ng lugar at pasahero na alam nilang kakagat sa kanilang estilo!
Si Aldrin, isang pasahero ay nabiktima ng sinakyang taxi noong nakaraang linggo. Ayon kay Aldrin, alas-onse ng gabi nang dumating siya sa Ninoy Aquino International Airport mula Davao. Sumakay siya ng taxi at nagpahatid sa Mandaluyong.
Habang naglalakbay patungong Mandaluyong, agad siyang pinresyuhan ng taxi driver taliwas sa inaasahan niyang de-metrong pamasahe. Depensa ng buhong na drayber, binago na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang sistema sa taripa ng pasahe mapasaan mang destinasyon ang kanilang pasahero.
Papalag sana si Aldrin pero agad siyang binantaan na ililigaw at ibababa sa madilim at malayong lugar kung hindi siya magbabayad ng P1,500. Sa takot na mapahamak, wala siyang nagawa kundi ang sumunod sa drayber.
Ang pagkakamali ni Aldrin, hindi niya nakuha ang plaka at pangalan ng sinakyang taxi!
Bistado na ang ganitong modus operandi pero marami pa rin ang nabibiktima ng mga mapagsamantalang taxi driver!
Paglilinaw lang, hindi layunin ng BITAG na siraan ang mga taxi driver lalo na ang mga matitino, matatapat at nagsisikap sa kanilang hanapbuhay. Pinaalalahanan lang ng BITAG ang publiko sa ganitong modus upang hindi mabiktima!
Manood at makinig ng Bitag Live! araw-araw sa AKSYON TV Channel 41 at Radyo 5. Pinoy US Cops-Ride Along, Sabado 8:30-9:00 at BITAG, 9:15-10 ng gabi sa PTV4.
Para sa inyong mga sumbong at tips mag-text sa 09192141624 o mag-email sa [email protected]. Maaari rin kayong magsadya sa BITAG Headquarters sa #299 Syjuco Bldg. Kalaw Hills, Tandang Sora, Quezon City tuwing Miyerkules, mula 8:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon.
- Latest