Hinay-hinay!
Ngayong tapos na ang mahabang panahon nang pinagkaabalahang eleksyon, naiproklama na rin lahat ang 12 nanalong Senador at maging ang mga nagwagi sa lokal, kung baga ay back to normal na rin ang lahat, mas dapat yata ngayong pagtuunan muna ng pansin ng pamahalaan ay ang lumalalang problema ng ating mga kababayan sa bansang Taiwan.
Matindi base sa mga report at sumbong ng ating mga OFWs sa Taiwan ang nararanasan nila ngayong takot dahil sa galit ng mga Taiwanese sa naganap na pagkapaslang sa isa nilang mangingisdang kababayan na nabaril ng Coast Guard.
Hindi naman maitatago ang tensyon sa naturang bansa kung ang pag-uusapan ay ang ating mga kababayang naninirahan at nagtatrabaho doon. Kita sa mga media coverage kung anu-anong masasakit na salita ang ipinapaskil ng mga galit na Taiwanese laban sa mga Pinoy.
Ni hindi na nga raw pinapayagang makabili ng kanilang pagkain ang mga ito sa anumang etablisimento at mga restaurant at may ilan na sinasabing naging biktima na rin nang pananakit doon.
Maselan ang isyung ito, pero umaasa tayo na makakayang resolbahin ito ng ating pamahalaan.
Hindi rin makakabuti ang anumang mga pahayag pa na lalong magpapainit sa sitwasyon, kalma lang kung baga, pero marapat din naman na agad itong mapagtuunan ng pansin at agad na masolusyunan ng mga opisyal ng gobyerno.
Nasa 87,000 mga Pinoy ang nagtatrabaho sa bansang Taiwan na nangangailangan ng tulong ng pamahalaan.
Kailangan nga lang na maging maingat sa anumang mga komento ukol dito, para hindi na lumala ang tensyon.
Hinay-hinay at lamig ng ulo ang kailangan.
Limitahan na rin ang mga taong magsasalita ukol sa isyu o humirang ng tao o mga taong siyang makiki-pag-usap sa Taiwan. Mahirap kasi kung marami ang magdadadaldal, baka lalo lang mapasama at magpalala sa mainit na sitwasyon sa kasalukuyan.
- Latest