^

Punto Mo

‘Parang legal’

- Tony Calvento - Pang-masa

HINDI lahat ng iniaabot ang palad para tumulong, malinis ang mga kamay at marangal ang hangarin. Natuklasan ito ni Dominador Orquia “Domeng”, 31 taong gulang, nakatira sa Lucena City. “Nung kinokontak namin yung tao hindi na namin mahagilap,” kwento ni Domeng. Walong taon nang nagtatrabaho si Domeng bilang ‘welder’ sa ‘Hanson Shipbuilding and Maritime Services’. Oktubre ng taong 2003 siya nagsimula. Nag-aayos ng mga barko ang trabaho niya. Ang ‘cargo boats’ ay ginagawa nilang barkong ginagamit sa pangingisda. “Pagkatapos naming gawin ang barko, ang Reina Mercedes Fishing Corporation na ang gagamit. Ka-tie up sila ng kompanya namin,” sabi ni Domeng. Wala silang nakukuhang mga benepisyo sa kompanya. Araw-araw ang pasok at kapag holiday walang ‘double pay’. Makalipas ang ilang taong pakikisabay sa agos ng patakaran sa pinagtatrabahuan ay tila nauntog sa bato itong si Domeng. Pumasok sa isip nilang parang lugi sila sa bigat ng trabaho. Hindi nila magawang magreklamo dahil natatakot silang baka sila’y tanggalin kaya naman buwan ng Setyembre taong 2012 nagsadya sila sa Department of Labor and Employment (DOLE). Kasama niya ang apat pa niyang ka-trabaho. “Magtatanong lang kami kung magkano talaga ang minimum na dapat matanggap ng isang trabahador,” salaysay ni Domeng. Napag-alaman nilang ang kanilang sinasahod ay wala sa minimum. Kinabukasan…Ika-5 ng Setyembre 2012 kinausap sila ng ‘foreman’ na si Leodigario Dionisio.  “Magbakasyon muna kayo,” sabi nito sa kanila. Ang ibinigay lang na dahilan…wala daw trabahong gagawin ng mga panahong yun. “May nakita nga kaming gagawing barko dun,” giit ni Domeng. Agad silang umapela ng kanyang mga kasamahan. Kinausap nila ang may-ari na si Hanson Tan Yu. Parehong dahilang sinabi nito. “Kung sakaling tanggal kayo magbabayad kami ng separation pay kung ilang taon kayong nagtrabaho dito,” sabi daw nito. Ipinatawag sila noong Setyembre 12, 2012 at sinabing anim na libo lang ang kanilang matatanggap. “Yun lang daw ang dapat nilang ibigay. Nagtanong na daw sila sa abogado nila,” kwento ni Domeng. Napag-alaman rin nila na ang dalawa nilang kasamahan ay pinabalik na sa trabaho kaya tatlo na lang silang nagpunta ng labor para magreklamo. Ika-27 ng Setyembre 2012 nag-file sila ng ‘Illegal Dismissal’ sa National Labor Relations Commission (NLRC). Sumagot naman sa reklamo nila ang Hanson Maritime at iginiit na hindi daw regular na empleyado sina Domeng at tinatawagan lang kapag kulang sila sa tao. “Wala kaming abogado nun, may nagturo sa amin kung sinong maaaring makakatulong. Hindi kasi namin alam kung ano ang susunod na kailangang gawin,” sabi ni Domeng. Isang Ed Napoleon ang nakilala nila. Ito umano ang tutulong sa kanila sa paggawa ng ‘position paper’ at iba pang dokumentong ipapasa. Naganap ang unang pagdinig noong Oktubre 25, 2012. “Si Atty. Napoleon ang humaharap kapag may hearing kami. Limang daang piso ang ibinabayad namin sa kanya,” kwento ni Domeng. Ang pinakahuling hearing nila ay noong ika-5 ng Pebrero. Hindi sila pinadalo at sinabi ng kanilang abogado na sila na lang ang haharap. Nagtiwala sina Domeng. Kinabukasan sinusubukan nilang tawagan si Atty. Napoleon para alamin ang resulta ng paghaharap ngunit pinapatayan na sila ng telepono. “Ang gusto lang namin makuha ang talagang dapat na ibayad nila sa amin,” sabi ni Domeng. Itinampok namin si Domeng sa aming progra­mang “CALVENTO FILES” sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (Lunes-Biyernes 3:00pm-4:00pm at Sabado 11:00am-12pm). PARA SA ISANG PATAS NA PAMAMAHAYAG, tinawagan namin ang numero ng nagpakilalang abogado nila na si Ed Napoleon. Aming napag-alaman na ang tunay niyang pangalan ay Ed Alisa. “Hindi po ako abogado. Kapag may hearing pati sa filing ako ang naka-assign,” sabi ni Mr. Alisa. Isa raw siyang para-legal at ang abogado talaga nina Domeng ay si Atty. Napoleon Banzuela. “Tumutulong ako ng libre. Yung perang ibinigay nila para sa paggawa ng position paper at reply yun. Hindi ako nagkukwento na abogado ako. Staff ako ni Banzuela,” mariing sinabi ni Alisa. Nagsabi siya na isa siyang para-legal sa opisina ni Banzuela at ang kanyang tinatanggap na pera ay pinapasok niya sa kompanya. Tinanong namin kung nag-enter ng appearance si Atty. Banzuela para dito kay Domeng sinabi niyang “Yes sir siya nga ang gumagawa ng mga legal works at position paper.” Dito na kami napikon dahil kaya nga nagpunta sa amin sina Domeng dahil namomroblema nga sila dahil ‘di pa daw nila natatangap ang position paper. Samantala tumatakbo ang oras at maaring makatalo nila ito. Sinagot kami ni Ed, “Re-reviewhin ko muna ang mga papeles dito sa opisina dahil madaming kaso dito.” Nagpunta daw siya sa patay sa Mindanao kaya hindi niya nasagot ang tawag nina Domeng.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, isa ka pa lang paralegal ito ay isang tao na nag-aayos ng mga papeles sa isang legal na usapin subalit hindi ka abogado na awtorisado na humarap sa isang hearing, gumawa ng pleadings at pumirma bilang isang abogado. Anong pagkakaiba mo sa mga nagkalat na fixers sa Land Transportation Office (LTO) na nag-aayos ng mga rehistro at papeles ng kotse o driver’s license o sa Department of Foreign Affairs (DFA) na naglalakad ng mga passport. Kung di ka pa namin tinawagan ’di mo pa aasikasuhin ang mga papeles ng mga taong ito. Ginawa na pala ito ni Atty. Banzuela at dahil kinalimutan mo na sila at ‘di mo sinasagot ang kanilang mga tawag sila’y nangamba kung protektado pa ba sila ng isang abogado. Nung March 19, bumalik sa amin si Domeng dala ang Reply sa position paper ng mga respondent na pirmado ni  Atty. Napoleon Banzuela. Ito’y nagawa nung Jan. 8, 2013. Naiwasan sana ang lahat ng ito kung binigyan mo ng pansin ang mga taong ito at sinagot ang kanilang mga tawag at text messages. Malugod ding binalita sa amin ni Ed na, “Ma’am panalo naman po yan, lahat ng dokumento naipasa na namin.” Ayun! Kailangang yugyugin pala ng kaunti ang puno para bumagsak ang bunga. Magandang balita yan para kina Domeng kung totoo ngang panalo sila, makakamtan na nila ang kanilang mga sinisingil. PARA SA IBA PANG BALITA…Umpisa na ng Mahal na Araw sa Lunes at tiyak na magiging mabenta ang isda at gulay para sa ating mga kababayang Katoliko. Dito sa Metro Manila, walumpung porsyento ng suplay ng isda ay nanggagaling sa Navotas. Kaya nga sabi ng kaibigan kong si Jack Enrile, puspos ang pagsusulong niya para maging moderno ang mga pasilidad sa Navotas Fish Port (sang-ayon sa International Port Standards). Aayusin ang mga daungan, pamilihan ng isda, pondohan, mga drainage system at mga pagawaan ng bangka. Mala­king ginhawa ito para sa ating mga mangingisda at mga negosyante. Bunga nito asahan nang mas magiging matatag ang suplay at presyo ng isda sa pamilihan. Ibig sabihin nito, mas maraming isda makakain sa  hapag ng bawat pamilyang Pilipino. Naendorso na ito sa National Economic and Development Authority (NEDA) at inaantay na lamang na maaprubahan ni Presidente Noynoy Aquino. (KINALAP NI CHEN SARIGUMBA) Sa gustong dumulog sa aming tanggapan, ang aming mga numero, 09213784392 (Pauline) 09198972854 (Monique) o 09213263166 (Chen). Ang landline 6387285 at ang 24/7 hotline 7104038 o magpunta sa 5th floor CityState Center bldg., Shaw Blvd., Pasig City mula Lunes-Biyernes.

ABOGADO

BANZUELA

DOMENG

NAMIN

NILA

PARA

SILA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with