‘Hinanakit’
MASUNGIT siya sa anak niyang babae na walong taong gulang. Kaunting pagkakamali ay may sabunot kaagad o kurot itong ibibigay sa kanyang anak. Ginagawa niya ang pananakit sa anak sa harap ng maraming tao. Dulot tuloy ay naging mailap sa tao ang anak. Tahimik lang siya. Kapag nasa school ay hindi sumasagot sa tanong ng mga titser. Kapag may ibang taong kumaÂkausap sa kanya ay hindi rin siya nagre-response. Kailangan mo pang ulitin ang tanong ng higit sa dalawang beses para pansinin ka niya at eventually ay sagutin ang itinatanong mo.
Pinagsabihan ng mga kaanak ang ina na ayusin nito ang pagÂdisiplina sa anak na babae. Epekto ng kanyang maling pagdisiÂplina ang kakaibang inuugali ng kanyang anak. Minsan ay hindi na nakatiis ang lola nang makitang kinutusan ng ina ang anak nito dahil ayaw isuot ng anak ang damit na ipinasusuot ng ina.
Kinausap ng lola ang ina ng bata. Na huwag naman itong masungit sa anak. Pero nagulat ang lola sa isinagot ng ina: “Mana lang ako sa iyo!â€
Ang ina ng bata at ang lolang tinutukoy ko ay mag-ina. Ang ina ng bata ay kaibigan ko. Ang kaibigan kong ito ay may kinikimkim na hinanakit sa kanyang ina noon pa. Masungit din ang kanyang ina sa kanya noong bata pa siya. Masungit na nga sa kanya ay kulang na kulang pa siya sa materyal na bagay. Hindi naman sila mahirap pero dahil sa kakuriputan ng kanyang ina ay nagtiis siyang iisa lang ang kanyang uniform noong high school. Kailangan niyang labhan ang uniform tuwing hapon para bagong laba ang uniform niya kinabukasan.
Natatandaan niya’y kapag tag-ulan ay gumigising siya ng maaga para tuyuin ang mamasa-masa pang uniform sa plantsa. Kung hindi gagawin iyon ay siguradong magsusuot siya ng basang uniform. Hindi siya makapagreklamo dahil makakatikim lang siya ng sermon o mga litanyang nakakatulig lang sa tenga. Ibinibili lamang siya ng bagong uniform kapag sira o sikip na ang nag-iisang uniform. Tiniis niya ang ganoong sitwasyon ng apat na taon. Dagdag pa niyang kuwento ay nagkaroon siya ng inferiority complex dahil sa nag-iisa niyang uniform.
Hindi naman nananakit ang kanyang ina pero mabunganga kaya madalas ay naririndi ang utak niya sa mga sumbat nito hinggil sa kanyang katamaran o at iba pa niyang pagkukulang.
Pagkatapos magkuwento ng aking kaibigan ay dalawang katanungan lang ang aking iniwan sa kanya—Gusto mo bang magkaroon ng Chapter Two ang hinanakit ng anak sa kanyang ina? Gusto mo bang ikaw naman ang sumbatan ng iyong anak pagdating araw? Bahala ka, ikaw din…
- Latest

















