Video operator sa Maynila kumpare ni Mayor Lim
HALOS lahat ng distrito sa Maynila ay may nakalatag na makina ng video karera at mukhang ang idol ko na si Mayor Alfredo Lim na lang ang hindi nakaaalam. Ang operator ng laganap ng video karera operation sa Maynila ay ang mag-asawang Romy at Gina Gutierrez. Pinalitan ng mag-asawang Gutierrez ang hari ng video karera na si Boboy Go. Sinabi ng mga kosa ko sa Wagas St., Tondo na bukambibig ng mag-asawang Gutierrez ang pangalan ni Mayor Lim. Ano ba ’yan? Ayon pa kay Romy, matagal na silang magkumpare ni Lim at hindi na maiangat ng idol ko ang kamay na bakal niya laban sa kanyang video karera. Kung sabagay, itong si Gina ang namamahala ng libu-libong video karera na nagkalat sa Manila, pati na ang pagpamudmod ng lingguhang intelihensiya sa mga operating units ng PNP tulad ng NCRPO, CIDG, IG at ahensiya ng gobyerno na GAB. Kung ang mga butas ng bookies ng karera ni alyas Jeff sa Sampaloc na front lang ng bentahan ng shabu at marijuana at ang tropa ni SPO4 Gener Presnedi alyas Paknoy ay tahimik si MPD director Chief Supt. Alex Gutierrez, dito pa kaya sa video karera ng mag-asawang Romy at Gina na kaapelyido pa niya? Baka magkamag-anak pa sila? Malaki ang mawawala sa bulsa ni Gutierrez kapag pinatulan niya ang video karera at iba pang pasugalan sa Maynila. Get’s n’yo mga kosa?
Ang siste lang, baka gamitin ng kampo ni Erap Estrada itong isyu ng video karera ng mag-asawang Gutierrez sa May election. Sa ngayon kasi, di pa malaman kung sino talaga ang lamang sa kampo nina Lim at Estrada dahil ayon sa mga kosa ko 50-50 pa sila. Subalit kapag sa pagbukas ng campaign period ng local officials ay birahin ni Erap si Lim sa laganap na video karera at mga pasugalan nina Jeff at SPO4 Presnedi, baka sumemplang ang idol ko. Lalo na at pinagyayabang pa ni Romy ang relasyon niya kay Lim.
Kung sabagay, ang video karera ng mag-asawang Gutierrez ay nagbibigay ng trabaho sa taga-Maynila. Ang suweldo kasi ng mga nagko-coins out sa mga makina ay P500 kada araw, lalo na kapag ang motorsiklo na gamit ay pag-aari mo pa. Malalaman mo naman NCRPO chief Dir. Leonardo Espina Sir kung oras ng remittance dahil maraming nakaparadang motor sa harap ng bahay ng mag-asawang Gutierrez, na may green gate sa Wagas St., Tondo.
May bayag kaya si Sir Dindo para tugisin ang video karera operation ng mag-asawang Gutierrez? Abangan natin ang kasagutan mga kosa.
Noon ko pa naman kasi ibinabando na kahit ano pa ang paninira nila, itong pamilya at kamag-anak ko ay susuporta sa idol ko. Kaya lang nais ko rin na maiparating sa kaalaman ni Mayor Lim na marami talaga ang gumagamit ng pangalan niya sa katiwalian na kung hindi niya wawalisin ay maapektuhan ang tsansa niya sa darating na Mayo. Lansagin mo Mayor Lim idol ang VK ng mag-asawang Gutierrez para ipakita sa madlang people na hindi mo papayagan ang illegal na gawain na yurakan ang mabango mong pangalan. Anong sey ni Atty. Ric de Guzman, ang spokesman ni Lim dito? May karugtong!
- Latest