^

Punto Mo

‘Iwasan, turuan at takbuhan’

- Tony Calvento - Pilipino Star Ngayon

BAWAT kirot ng kalamnan, bawat sulyap sa bendahe, naaalala niya ang isang segundong pagkagitla. Bawat ugong na kanyang marinig, agad nang kumakabog ang kanyang dibdib. Bitbit ang pagbabakasakali, nagtungo sa aming tanggapan si Jonna Camille “JC” Villaverde, 24-taong gulang, taga-Kalookan. Panganay na anak nina Corazon “Cora” Villaverde, 53-gulang, isang ‘liaison officer’ sa Philippine Treasures Inc. at Joseph Villaverde, 54, OFW sa Saudi.

“Hihingi po sana ako ng tulong dahil po pinabayaan na lang yung Mama ko,” simula ni JC. 6:30 ng umaga ng Oktubre 16, 2012 nang tumawag ang kanyang tiyuhing si Gene Fabregas.

“Bali-bali ang buto ng mama mo, nandito kami sa ospital,” wika ni Gene. Agad na sumugod sa ospital si JC upang puntahan ang ina. Ang alam niya papasok lang ito sa trabaho. Sa ‘Emergency Room’ niya ito natagpuan. Isinalaysay nito ang mga pangyayari. Ikalabing anim ng Oktubre 2012, bandang 5:30 ng umaga. Patawid si Cora sa Macapagal Avenue, harapan ng World Trade Center. Nasa gilid na siya ng kalsada nang may narinig siyang papalapit na ugong ng makina. Mabilis ang takbo ng motor. Naramdaman niya ang malakas na paghampas sa kanyang katawan. Sumabog ang kanyang bitbit. Bumagsak ang katawan sa semento, naitukod niya ang kaliwang kamay. Kitang-kita umano niya ang bumagsak ding drayber ng motorsiklo.

“Iniharang ni Mama yung dala niyang bag sa ulo niya nung papabagsak na siya para di mabagok,” kwento ni JC. May lumapit kay Cora na sekyu para sumaklolo. Tinanong siya kung kasama niya ba ang naka-motor.

“Hindi ako nakasakay dyan, harangin niyo yan! Harangin niyo yan!” sabi umano ni Cora. Muli umanong sumakay ang drayber sa motorsiklo at agad nang sumibat. Maliksi naman ang gwardiya na si Jorge Reyes at nakuha ang plaka. 2728NG isang Sinski Motorcycle. Agad na dinala sa Philippine Orthopedic Center si Cora at sinuri ng doktor na si Gerto L. Quevedo.

Ayon sa ‘medico legal result’ nagkaroon siya ng bali sa buto ng kaliwang binti (“Fracture, close, complete, displaced, transverse or 1/3 tibia-fibula (L)). Nabali rin ang kanyang kaliwang kamay (“Fracture, close, complete, displaced distal radius (L)).

Agad na inoperahan at ni­lagyan ng bakal ang kamay ni Cora.

Ika-20 ng Oktubre 2012 agad silang nagpunta sa ‘traffic police’ ng Pasay para magreklamo. Inalam din nila sa Land Transportation Office (LTO) kung kanino nakare­histro ang motorsiklo.

Ika-21 ng Oktubre 2012 nang makuha nila ang OR/CR ng motorsiklo. Coca Cola Bottlers Philippines, Inc. ang lumabas na pangalan. “Nagsimula na kaming magpadala sa kanila ng mga registered mail pero wala namang sumasagot,” sabi ni JC. Hindi pa din nakikipag-ugnayan sa kanila ang Coca Cola hanggang sa magpalagay ng bakal sa kaliwang binti si Cora noong Nobyembre 12, 2012. Patuloy pa rin ang pagpapadala nila ng sulat.

“Bali-bali yung mga buto ng mama ko tapos tinakbuhan lang siya ng nakabangga. Hindi naman tama yung ganun. Ang gusto namin makilala at managot yung drayber,” ayon kay JC. Dalawampu’t dalawang taon nang nagtatrabaho si Cora sa Philippine Treasures kaya sinagot nito ang kanyang pagpapagamot.

“Buti na lang po at sabi ng kompanya ni Mama on-duty na siya kaya sila ang nagbayad sa pagpapagamot,” wika ni JC.

Nakapanayam din namin sa aming programang “CALVENTO FILES” sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (tuwing 3:00-4:00 ng hapon) si Cora upang ilahad ang kanyang panig. Inisa-isa niya ang mga pinsalang kanyang tinamo.

“Yung kaliwang binti ko at yung kaliwang kamay ko ang nabali,” salaysay ni Cora. Gusto sana ni Cora na siya mismo ang magpunta sa amin para manawagan sa mga tagapakinig sa radyo subalit sadyang hindi niya kinaya dahil sa kanyang kalagayan. “Sana po matulungan niyo ako,” pa­nawagan ni Cora.

Bilang paunang aksyon, nakipag-ugnayan kami sa Coca Cola Paco. Nakausap namin doon si Ms. Ella Culibao. Nagtanong siya ng ilang mga detalye tungkol sa nangyaring aksidente. Ayon sa kanya beberipikahin nila kung sino ang nagmamaneho ng motorsiklo ng nasabing araw sa logistics department ng Coca Cola. Aalamin din nila kung ito ba ay nabenta na o ibinigay na sa isa sa empleyado ng Coca Cola. Nang muli namin silang makapanayam, naka-base daw sa Sta. Rosa, Laguna ang nasabing motor. Sisiguraduhin daw muna nila kung sino ang may hawak nito ngayon bago sila magbigay ng pahayag. Nang kumustahin namin ang lagay ng aming inilalapit, ayon sa kanila ay nabenta na raw ang motorsiklo noong 2008 pa. Hina­hanap pa umano nila ang dokumento nung nakabili.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, hindi ma­aaring basta na lang takbuhan ng drayber ng motor ang kanyang kasalanan. ‘Reckless Imprudence resulting to Serious Physical Injuries’ ang kanyang kakaharapin. Mapapatunayan ng biktima na tumagal ng ilang buwan ang kanyang pagpapagaling. Sa katunayan, hanggang ngayon ay hindi pa siya makapagtrabaho dahil sa pagkakasagasa.

Sa panig naman ng Coca Cola, nagpapasalamat kami dahil sa kanilang pakikipag-ugnayan at sa patuloy nilang pagsagot sa aming tawag. Kung sakaling may impormas­yon na kayo kung sino ang nagmamaneho ng motorsiklo ay huwag niyo sanang pagtatakpan dahil kawawa naman ang biktima. Naging palaisipan din sa amin na kung naibenta na ang motorsiklo noong taong 2008 bakit pangalan pa din ng Coca Cola ang lumabas sa OR/CR noong Oktubre 21, 2012? Hindi ba nararapat lang na ang bagong may-ari na ang nakapangalan? Ilang taon na ang lumipas at kahit sino nanaisin na mailipat agad sa kanyang pangalan ang isang bagay na kanyang pinaghirapan para matawag na lubusan na kanya ang sasakyan? Turuan sila ng turuan na para bang umiiwas sila sa responsibilidad. (KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)

Sa gustong dumulog sa aming tanggapan, ang aming mga numero, 09213263166 (Aicel) 09198972854 (Monique) o 09213784392 (Pauline). Ang landline 6387285 at ang 24/7 hotline 7104038 o magpunta sa 5th floor City State Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City mula Lunes-Biyernes.

COCA COLA

CORA

KANYANG

KUNG

MOTORSIKLO

NIYA

OKTUBRE

SIYA

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with