^

Punto Mo

EDITORYAL Tulungan, Pinay DH sa Kuwait na nakapatay

Pang-masa
EDITORYAL Tulungan, Pinay DH sa Kuwait na nakapatay

DAPAT triplehin ng Department of Migrant Workers (DMW) ang pagtatrabaho para matulungan ang Pinay domestic helper na nakapatay umano ng alaga nitong batang lalaki sa Kuwait. Ayon sa report, pinatay ng Pinay­ ang bata sa pamamagitan ng paglalagay sa washing ma­chine. Narinig na lamang umano ng mga magulang ang pagsigaw ng bata kaya sinaklolohan. Dinala sa ospital ang bata subalit namatay din makaraan ang ilang oras. Inaresto ng mga pulis ang Pinay at umamin na umano ito sa nagawang krimen. Nakakulong na ang Pinay, ayon sa report.

Nakakakilabot ang ginawang pagpatay. Ganunman­ hindi naman ito kumakatawan sa ugali ng mga Pilipinang domestic helper sa Kuwait. Ang nararapat gawin ng DMW ay pagkalooban ng abogado ang Pinay upang ganap na mabatid ang katotohanan at nagawa ang ka­rumal-dumal na pagpatay. Sa paraan ng pagpatay ay makikita ang matinding galit. Nararapat mabatid ang pinag-ugatan ng lahat. Marami nang pangyayari na inaabuso at ginagahasa ang mga Pinay DH sa Kuwait. Bagamat hindi naman dapat idinadamay ang batang inaalagaan kung ganito nga ang nangyari. Ang pagtatrabaho nang husto sa kaso ng Pinay ay dapat ipra­yo­ridad ng DMW. Kung hindi agarang matutulungan­ ang Pinay, maaring matulad siya sa kaso ni Flor Contemplacion na binitay sa Singapore dahil din sa pagpatay. Mabilis ang paglilitis kay Contemplacion at walang nagawa ang Ramos administration para maisalba ang kawawang domestic helper. Hindi dapat maulit ang pang­yayari kaya dapat kumilos ang DMW para matulu­ngan ang Pinay sa Kuwait.

Kung mapapatunayan na ginawa nga ng Pinay ang kri­men at mahatulan ng kamatayan, ito na siguro ang tamang­ panahon para itigil ang pagpapadala ng domestic­ workers­ sa Kuwait. Mas maraming pangyayari na napahamak ang mga Pinay DH habang nagtatrabaho sa Kuwait. Ilang beses nang ipinatigil ang pagpapadala­ ng domestic helpers­ sa Kuwait dahil sa masasama at karumal-dumal na pang­yayari. Nagkaroon na ng ka­sunduan noong 2019 ang Pili­pinas at Kuwait na pupro­teksiyunan ang mga mang­ga­gawang Pilipino, subalit hindi natupad.

Noong 2017, pinatay si Joanna Demafelis at isinilid ang katawan sa freezer. Noong 2018, pinatay si Cons­tancia Dayag. Noong 2019, pinatay si Jeanelyn Villavende at noong 2021, ginahasa, pinatay at sinunog ng amo si Jullebee Ranara.

Mapanganib sa Kuwait at hindi maproteksiyunan ang mga Pinay DH. Maaring dahil sa pagmamalupit ay nasisiraan ng bait at nakagagawa ng karumal-dumal.

Kamakailan, isang Pinay DH na naman ang natagpuang patay sa isang bahay sa Kuwait noong Disyembre 31. Pauwi na umano ang Pinay sa Pilipinas subalit nangyari ang trahedya. Patuloy na iniimbestigahan ang pagkamatay ng Pinay. Mayroon na umanong ina­restong isang lalaki ang mga pulis. Kilos pa, DMW!

DEPARTMENT OF MIGRANT WORKERS

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with