Lampong (153)
SINILIP na mabuti ni Dick ang loob ng bahay. Maliwanag sa loob dahil bukas ang ilaw sa salas. Pero wala siyang makitang tao. Baka nasa kuwarto na at natutulog. O baka naman nasa banyo.
Pero kung natutulog na, bakit iniwan na bukas ang bintana? Maaaring nasa banyo pa.
Tiningnan ni Dick kung naka-lock ang pinto. Lumapit siya dahan-dahang pinihit. Matigas. Sarado!
Nagkaroon ng konklusyon si Dick na narito na si Puri. Kabisado niya si Puri na hindi iniiwanang bukas ang pinto. Naka-lock lagi para hindi masalisihan nang magnanakaw. Kung si Jinky ang nasa loob, maaaring bukas ang pinto. Madalas itong mag-iwan na hindi naka-lock ang pinto.
Nagbalik sa tapat ng bintana si Dick. Muling sumilip sa awang ng bintana si Dick. Malakas ang kaba ng kanya ng dibdib. Wala pa rin siyang nakikitang tao sa loob.
Makapaghihintay naman siya. Kailangang malaman niya ngayong gabi kung narito na si Puri. At kapag narito na si Puri, sosorpresahin niya. Talagang sabik na sabik na siya kay Puri.
Naghintay pa si Dick. Hindi inaalis ang pagkakatingin sa awang ng bintana. Sunud-sunod ang tibok ng kanyang dibdib. Kapag ganitong malakas at sunud-sunod ang tibok ng kanyang dibdib ay may mangyayari.
Malakas ang kutob niya, narito na si Puri.
Hanggang sa manlaki ang mga mata ni Dick nang makita kung sino ang nasa loob.
Si Jinky!
(Itutuloy)
- Latest