‘Modus sa ATM’
MULI na namang nagiging aktibo sa pambibiktima ang mga sindikato at kawatang target ang mga mamimili ngayong panahon kung kailan malapit nang mag-Pasko.
Maging ang mga pera na itinatabi sa mga banko, nagagawan ng paraan ng mga kolokoy na nakawin sa nagmamay-ari nito.
Hindi na bago sa BITAG ang modus ng mga dorobong nagnanakaw ng pera mula sa mga credit card at ATM card.
Karaniwang ang mga nabibiktima ay mula sa mga malalaking mall, gasolinahan at grocery stores.
Minsan nang nakaengkuwentro ang BITAG ng grupo ng mga nagnanakaw sa ATM at credit card sa Bulacan.
Isinasagawa ng mga kolokoy ang kanilang modus sa pamamagitan ng kanilang makabagong makina na kung tawagin ay “skimming device”.
Skimming device ang ginagamit ng mga kawatan upang makuha ang mga impormasyon sa ATM o credit card ng target nilang biktima.
Kapag nakuha na nila ito, kokopyahin nila ang mga detalye ng card upang makagawa ng bago at magamit ang perang nasa account nito.
Kaya naman ang may-ari ng card, walang kamalay-malay na napagnanakawan na siya.
Ikagugulat na lamang ng may-ari ang pagdating ng mataas na bill na kinakailangan niyang bayaran dahil sa pagkakasimot ng laman ng kanyang card.
Kaya naman payo ng BITAG sa lahat ng aming mga tagasubaybay na hangga’t maaari, huwag ipagkakatiwala kahit kanino ang inyong ATM o credit card.
Iwasan ding ibigay ito ng hindi ninyo nakikita kung ano na ang ginagawa sa inyong credit/ ATM card.
Panghuli, huwag ipagsabi o ipaalam sa ibang tao ang password ng inyong credit card.
Maging matalinong mamimili at alamin ang mga tamang paraan ng pag-iingat upang hindi magsisi sa bandang huli.
- Latest