Caretaker kinatay ng kapitbahay

MANILA, Philippines — Wala nang buhay nang madiskubre ang isang 69-anyos na caretaker sa binabantayang bahay matapos patayin umano sa saksak ng kapitbahay na nakaalitan, sa Antipolo City, noong Lunes.
Sa ulat ng Antipolo Component City Police Station, dakong alas-9:00 ng umaga ng Oktubre 19, nang madiskubre ng mga kapitbahay ang nabubulok na bangkay sa isang bahay sa Sitio Igiban, Barangay Cupang.
Arestado naman ang 21-anyos na lalaki, na kapitbahay ng biktima. Nabatid na solo na naninirahan ang biktima sa bahay ng amo, at madalas kaalitan umano ang suspek.
Una umanong insidente nang ikagalit ng suspek ang pagsita sa kanya ng biktima sa pagiging salaula matapos maaktuhan na naghuhugas ng paa sa isang balon na pinag-iigiban ng mga residente.
Sa impormasyon binataan umano ng suspek ang biktima ng: “Matanda ka na, huwag ka papakita sa akin at huwag ka nang dumaan dito! Kung hindi, papatayin kita!”
Kabilang din sa naging komprontasyon ang pagsaway ng biktima sa suspek sa walang sabi-sabing pamimitas ng rambutan sa loob ng binabantayang property ng biktima.
Sa nasabing insidente, muli umanong pinagbantaan ng suspek ang buhay ng biktima.
Isang testigo rin ang lumutang sa Brgy. Hall at sinabi na umamin ang suspek sa pagpatay sa biktima.
- Latest
























