2 sundalo, 2 pa sugatan sa engkwentro
MANILA, Philippines — Apat katao kabilang ang dalawang sundalo ang sugatan makaraang makasagupa ng tropang gobyerno ang hinihinalang mga miyembro ng New People’s Army (NPA) sa Himamaylan City, Negros Occidental noong Sabado ng gabi.
Sa ulat ni Brig. Gen. Ted Dumosmog, commander ng Army’s 303rd Infantry Brigade, kabilang pa sa mga nasugatan ay isang CAFGU member at isang sibilyan na tinamaan ng ligaw na bala sa palitan ng putok.
Dahil sa ulat ng mga residente sa Brgy. Carabalan ng nasabing lungsod sa presensya ng armadong grupo tuwing sasapit ang takipsilim sa kanilang lugar ay nagsasagawa ng combat patrol ang tropa ng militar.
Ang nasabing mga rebelde ay nangongotong umano sa mga residente at nanghihingi ng pagkain, alagang hayop at maging ng pera.
Nagpanagpo ang mga sundalo at nasa limang rebelde sa may highway na nagresulta sa palitan ng putok ng magkabilang panig.
Sinabi ng opisyal na ang mga dinala sa opsital ay pawang bahagya lamang ang tinamo sa katawan na nasa mabuti nang kondisyon.
Pinaniniwalaan namang nagtamo rin ng sugat ang mga rebelde base sa mga patak ng dugo sa lugar na dinaanan nila sa pagtakas.
- Latest




















