4 bayan sa Quezon isinailalim sa state of calamity sa El Niño

LUCENA CITY, Philippines — Nagdeklara ng state of calamity ang apat na bayan sa lalawigan ng Quezon dahil sa mga epekto ng El Niño kasabay ng kanilang patuloy na paghahanda sa posibleng paglala ng tagtuyot at kakulangan sa suplay ng tubig.
Ang mga bayan na nagdeklara ng state of calamity ay ang Alabat, Jomalig, General Nakar at Guinayangan, batay sa datos ng Office of Civil Defense (OCD).
Sa ilalim ng deklarasyon, maaaring maisagawa ng mga lokal na pamahalaan ang mga kinakailangang hakbang upang matugunan ang mga epekto ng El Niño, kabilang ang pagtugon sa pangangailangan ng mga apektadong residente at pagsuporta sa mga sektor na nakararanas ng pinsala sa kanilang kabuhayan.
Partikular na nanganganib sa El Niño ang sektor ng agrikultura at palaisdaan na maaaring maapektuhan ng matinding init, kakulangan ng ulan at pagbabago sa suplay ng tubig.
Samantala, bago pa man lumala ang mga epekto ng El Niño, nagsagawa na ng mga hakbang ang Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon sa pangunguna ni Governor Doktora Helen Tan upang palakasin ang kahandaan ng lalawigan sa posibleng tagtuyot at kakulangan sa tubig.
Ayon kay Engr. Romulo Angeles, division manager ng NIA Quezon, isinusulong din ang Alternate Wetting and Drying technology at patuloy na paglilinis ng mga dam at irrigation canal upang mapanatili ang episyenteng paghahatid ng tubig sa mga sakahan.
- Latest

























