Doktor binaril sa ‘hit and run’, 3 parak sibak!

MANILA, Philippines — Sinibak sa puwesto ang tatlong pulis matapos na masangkot sa pamamaril sa isang doktor na inakusahan nilang suspek sa “hit-and-run” sa Iloilo City noong Linggo.
Batay sa ulat ni Iloilo City Police Director P/Col. Wilbert Parilla, kabilang sa mga nasibak ay isang Police Master Sergeant at dalawang Police Corporals.
Ang pagsibak sa tatlong pulis ay base sa lumabas na resulta sa imbestigasyon.
Sa inisyal na ulat, isang rumaragasang kotse ang bumangga sa isang tindahan, sa nakaparadang tricycle at maging sa signage sa Brgy. Baldoza, La Paz ng lungsod noong Linggo.
Ang driver ng Honda Accord ay tumakas sa insidente bunsod upang magsagawa ng hot pursuit operation ang mga operatiba ng Iloilo City Police matapos makatanggap ng tawag sa 911 emergency hotline.
Base sa unang pahayag ng pulisya, nakorner ng mga pulis ang behikulo pero sa halip umanong sumuko ay tinangka pa silang sagasaan ng driver nito bunsod upang paputukan nila ang sasakyan.
Ang driver ng behikulo ay natukoy sa palayaw na Paul, isang 29-anyos, ophthalmologist na isinugod sa St. Paul Hospital sa lungsod sanhi ng tinamo nitong tama ng bala sa tiyan.
Sa pahayag ng nasabing doktor, napadaan lang umano siya sa lugar nang mangyari ang insidente. Aniya, hindi naman niya sinasadya matapos na magloko ang behikulo at natakot sa mga pulis na iniumang ang mga baril sa kaniyang behikulo hanggang sa siya ay kanilang paputukan.
- Latest



















