Ex-tserman sa Maguindanao, itinumba!

MANILA, Philippines — Patay ang dating barangay chairman ng Maguindanao del Norte matapos pagbabarilin ng riding-in-tandem sa bayan ng Esperanza, Sultan Kudarat kamakalawa ng tanghali.
Kinilala ang biktima na si Datu Manalo Mangelen Nur Sr., dating chairman ng Brgy. Dados, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte.
Sa report ng Sultan Kudarat Provincial Police Office (PPO), dakong alas-11 ng tanghali, kasalukuyang lulan ng kulay itim na Nissan Navara pickup truck ang biktima na bumabagtas sa provincial road ng Esperanza nang pagbabarilin ng dalawang suspek na magkaangkas sa motorsiklo.
Ang biktima ay patungo sa kaniyang farm sa nasabing bayan nang mangyari ang pag-atake ng mga suspek.
Agad isinugod sa pagamutan ang tserman, pero idineklarang dead-on-arrival sanhi ng tinamong mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.
Samantala, patay rin ang isang kagawad ng Brgy. Bongued na si Datu Amil Beno, matapos na tambangan at pagbabarilin ng mga armadong lalaki habang lulan ng kanyang payong-payong tricycle sa Poblacion Dalican, Datu Odin Sinsuat kahapon.
Si Beno na mula sa noble Maguindanaon clan, ay aktibo sa pagsuporta sa mga porgramang nagpo-promote sa religious at cultural solidarity ng mga Muslim, Kristiyano at indigenous non-Moro communities sa Datu Odin Sinsuat.
- Latest


















