4 pulis-Infanta ginawaran ng medalya

CAMP NAKAR, Lucena City, Philippines — Apat na miyembro ng Infanta Municipal Police Station ang binigyang pagkilala ng Police Regional Office 4A (PRO-Calabarzon) dahil sa kanilang naging papel sa isang operasyon na nagresulta sa pagkakaaresto sa isang suspek sa pamamaril sa Infanta, Quezon kamakailan.
Batay sa General Orders No. PRO4A-GO-AW-2026-6572 na may petsang Setyembre 22, 2026, iginawad ang Medalya ng Kagalingan o PNP Medal of Merit kina PMaj. Harold Carrion Panganiban, PSMS Americo Sario Ferreras Jr., PSSg Mark Gemmuel Azogue Durante, at Pat. Miel Peñamante Masibay bilang pagkilala sa kanilang kahanga-hangang pagganap sa tungkulin.
Ayon sa ulat, noong Setyembre 9, 2026, nirespondehan ng nasabing mga pulis ang isang insidente ng pamamaril sa Brgy. Binonoan, Infanta. Naaresto nila sa operasyon si alyas “Cesar” na iniugnay sa kasong frustrated murder at paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Nasamsam din sa operasyon ang isang .45 caliber pistol na may nakakabit na magazine at limang bala.
Ayon kay Quezon Police Provincial Office (QPPO) Director PCol. Romulo. Albacea, ang pagkilalang ipinagkaloob sa apat na pulis ay patunay ng kanilang propesyonalismo at paninindigan sa sinumpaang tungkulin bilang mga tagapagpatupad ng batas.
- Latest





















