2 pulis tinangkang sagasaan, ‘wanted’ nasukol
Habang nagsisilbi ng warrant…
CAMP JULIAN OLIVAS, Pampanga , Philippines —– Patung-patong na kaso ang kahaharapin ng isang “wanted person” matapos niyang tangkaing sagasaan ang dalawang pulis na magsisilbi sana ng warrant of arrest laban sa kanya noong Miyerkules ng hapon sa Baliwag City, Bulacan.
Batay sa ulat na nakarating kay Brig. Gen. Jess Mendez, regional director ng Police Regional Office 3 o Central Luzon, kinilala ang suspek bilang si alyas “Ace”, isang negosyante at residente ng Barangay Bagong Nayon sa nasabing lungsod na may kasong direct assault.
Dahil sa insidente, panibagong kasong attempted homicide, reckless imprudence resulting in damage to property, direct assault, resistance and disobedience to an agent of a person in authority, at obstruction of justice ang kakaharapin ng nasabing wanted person.
Ayon sa paunang imbestigasyon, alas-12:30 ng tanghali ay sinubukan ng mga pulis na ihain ang warrant of arrest laban sa akusado sa Barangay Concepcion, Baliwag. Gayunman, nang lumapit ang mga pulis at ipaalam sa suspek ang tungkol sa warrant, sinubukan nitong tumakas sa pamamagitan ng pagsakay sa isang sasakyan at direktang pagharurot patungo sa dalawang pulis; na sa kabutihang-palad ay mabilis na nakaiwas sa tangkang pagsagasa sa kanila ng tumatakas na suspek.
Tumakas ang akusado patungo sa Barangay Sta. Barbara sa nasabing lungsod ngunit nakabangga ito ng dalawang sasakyan, at kalaunan ay naabutan at naaresto ng mga humahabol na awtoridad sa Barangay Makinabang.
- Latest















