Babae pinatay sa sakal, isinilid sa ref!

Live-in partner, ‘person of interest’
MANILA, Philippines — Patay at naagnas na nang matagpuan ang isang babae habang nakasilid sa isang refrigerator, na pinaniniwalaang pinatay sa sakal, sa kanyang inuupahang apartment unit sa Mangulad Residences sa Barangay San Jose, Rodriguez, Rizal, nitong Miyerkules.
Kinilala ang biktima sa alyas na “Freya,” 30-anyos.
Ayon kay Lt. Col. Arwyn Gaffud, hepe ng Rodriquez Police Station, ang bangkay ng babae ay nakitaan ng senyales ng pananakal sa leeg nang madiskubre ng mga rumespondeng opisyal ng pulisya dakong alas-9 ng umaga nitong Setyembre 16 sa inuupahang apartment nito.
Sa imbestigasyon ng pulisya, ang nasabing babae kasama ang isang lalaki na sinasabing kanyang live-partner ay huling nakita ng may-ari ng apartment noong Setyembre 10. Pinuntahan umano ng lalaki ang biktima para pumirma ng kontrata sa pag-upa sa apartment.
Sinabi ng kasera ng apartment na ilang beses niyang sinubukang tawagan ang biktima simula noong Set. 10 para papirmahin sa lease contract subalit walang sagot.
Pero noong Miyerkules, dito na napansin ng may-ari ang isang mabaho at hindi kanais-nais na amoy na nagmumula sa apartment ng biktima, kaya humingi na siya ng tulong sa mga rumespondeng opisyal.
Sinabi ng mga pulis na may nakitang dalawang natukoy na identification card ng isang babae at isang lalaki sa lugar ng krimen, pero sa isinagawang beripikasyon ay peke ang mga ID.
Ang live-in partner ng biktima ang itinuturing ngayon ng pulisya na “person of interest” sa insidente.
- Latest






















