Grade 9 huli sa P204K shabu sa school gate inspection

BACOLOD CITY , Philippines — Arestado ang isang Grade 9 student matapos na mahulihan ng nasa P204,000 na halaga ng shabu sa isinagawang routine security check sa gate ng kanilang paaralan sa Barangay Banago, dito sa lungsod nitong Lunes.
Sa ulat ng Bacolod Police, isang security guard sa school campus ang nagsagawa ng standard bag inspection sa exit gate ng hindi pa tinukoy na school nang maispatan nito ang kahina-hinalang laman ng bag ng isang estudyanteng menor-de-edad.
Sa isinagawang inspeksyon, nakarekober ang guwardya sa bag ang 2-transparent plastic sachet ng illegal substance o shabu na nasa 30 gramo.
Agad inireport ng guwardya sa school admin ang pagkakatuklas nito sa droga at inalerto ang Police Station 3 ng Bacolod City Police Office (BCPO) na mabilis na rumesponde sa eskwelahan kasama ang mga operatiba ng City Intelligence Unit (CIU) upang ma-secure ang mga nakuhang ebidensya at maproseso ang insidente.
Dahil sa isinasaad ng Republic Act No. 9344 (the Juvenile Justice and Welfare Act), hindi isinapubliko ng law enforcement authorities ang pagkakakilanlan ng minor na estudyante na isinailalim na sa protective custody at nakatakdang iendorso sa Social Development Center (SDC), para sa tamang interbensyon at disposisyon na naaayon sa Children in Conflict with the Law (CICL).
Sinabi naman ng Police Regional Office-Negros Island Region na nagsasagawa na follow-up investigation ang pulisya upang madetermina ang pinagmulan ng ilegal na droga na nakuha sa estudyante na maaaring na-exploit o nagamit lang ng sindikato ng illegal drug trafficking.
- Latest



















