Gun runner timbog sa joint ops sa Quezon
CAMP NAKAR, Lucena City, Philippines — Dahil sa masusing intelligence gathering at mahusay na koordinasyon ng mga unit ng kapulisan, matagumpay na naaresto ng mga operatiba ng Tiaong Municipal Police Station katuwang ang Regional Intelligence Unit 4A–PIT North Quezon ang isang pinaghihinalaang gun runner sa search warrant operation sa Sitio Ibaba, Brgy. San Isidro, Tiaong, Quezon, kamakalawa ng madaling-araw.
Base sa ulat ni Quezon Police Provincial Office (QPPO) Director PCol. Romulo Albacea, kinilala ang naarestong suspek na si alias “Ilu,” 45 taong gulang, residente ng naturang lugar.
Bandang alas-5:00 ng umaga nang isagawa ang operasyon na nagresulta sa pagkakadakip ng suspek at pagkakakumpiska ng isang Magnum .357 revolver na walang serial number, 42 piraso ng fired cartridge cases ng kalibre .45, at isang itim na sling bag.
Ayon kay Col. Albacea, ang bawat ilegal na baril na natatanggal sa komunidad ay katumbas ng isang potensyal na krimen na napipigilan.
Aniya, patuloy nilang paiigtingin ang intelligence-driven operations at law enforcement efforts sa lalawigan.
- Latest






















