Sundalo, CAFGU utas sa ambush
MANILA, Philippines — Patay ang isang sundalo at isang miyembro ng Cafgu Active Auxiliary (CAA) matapos na paulanan ng bala ng mga pinaghihinalaang miyembro ng mga armadong rebeldeng New People’s Army (NPA) sa Brgy. Maquiling, Sagay City, Negros Occidental, ayon sa ulat kahapon.
Ang mga nasawi ay kinabibilangan ng isang 48-anyos na tauhan ng Philippine Army, taga-Zarraga, Iloilo, at isang CAA member ng Cadiz City.
Sa ulat ng Negros Occidental Police, nangyari ang pananambang sa mga biktima sa kahabaan ng highway ng nasabing lugar bandang alas-3:10 ng hapon noong Martes.
Ayon sa imbestigasyon, kasalukuyang magkaangkas sa motorsiklo ang dalawang bitkima galing sa kanilang detachment patungong Brgy. Bato nang harangin at paulanan ng bala ng mga armadong suspect.
Ang dalawang biktima ay kapwa nagtamo ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan na siyang agarang kumitil sa buhay nito.
Samantalang mabilis namang tumakas ang mga suspect patungo sa direksiyon ng kagubatan.
Patuloy naman ang masusing imbestigasyon ng mga awtoridad sa kasong ito at pagtugis sa grupong komunista na pinaniniwalaang nasa likod ng krimen.
- Latest





















