Trak inararo 3 sasakyan: 2 lineman todas!
ATIMONAN, Quezon, Philippines — Patay agad ang dalawang linemen ng electric cooperative matapos na araruhin ang kanilang sinasakyang tricycle at dalawang iba pang sasakyan ng Isuzu wing van truck na nawalan umano ng preno sa diversion road na sakop ng Barangay Sta. Catalina sa bayang ito, kamakalawa ng hapon.
Ang mga biktima na kapwa nagtamo ng grabeng pinsala sa ulo at iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan ay kinilalaa lang sa mga alyas na “Gilbert”, 49, may-asawa ng Barangay Zone 1, Poblacion, Atimonan, Quezon; at “Nicdar”, 24, binata ng Purok 1, Barangay Sto. Niño, San Francisco Quezon at kapwa mga linemen ng Quezon 1 Electric Cooperative Incorporated.
Ginagamot naman sa Doña Marta Hospital sanhi ng mga tinamong sugat sa katawan ang driver ng trak na nakasagasa sa kanila na kinilalang si alyas “Alter”, 56, ng Trece Martires City, Cavite.
Base sa imbestigasyon ng Atimonan Police, bandang alas-2:40 ng hapon ay binabagtas ng mga biktimang sakay ng tricycle ang palusong na bahagi ng diversion road nang banggain sila sa hulihang bahagi ng Isuzu wing van truck na minamaneho ni Alter.
Inararo pa umano ng trak ang tricycle ng ilang metro na naging sanhi ng agarang pagkamatay ng dalawang linemen. Bumangga pa ang trak sa nakaparadang motorsiklo sa gilid ng kalye saka diretsong sinalpok ang isa pang Isuzu truck.
- Latest

























