Iligal na gasolinahan ipinasara, 4 arestado
Guinobatan, Albay, Philippines — Arestado ang apat na katao kasama ang may-ari habang ipinasara ang kanilang gasoline station ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group at kinatawan mula sa Department of Energy dahil sa paglabag sa batas pambansa blg.33 sa ilalim ng amended presidential decree no.1865 matapos ang ginawang entrapment operation sa Purok-2, Brgy. Maipon, Guinobatan, Albay kamakalawa ng umaga.
Agad sinampahan kahapon ng hapon ng kaso sa prosecutors office ang mga suspek na kinilalang sina Bal, 37-anyos, may-ari ng KPI Country Fill gasoline station; Marlyn, 54-anyos, cashier; Jomel, 29-anyos; at Rommel, 37-anyos na parehong pump attendants.
Sa ulat, sa koordinasyon sa DOE minanmanan ng mga tauhan ng CIDG-Albay Provincial Office sa overall supervision ni CIDG-regional chief Col.Oscar Regala ang iligal umanong operasyon ng gasolinahan na walang permit sa DOE. Sa ilalim ng “Operation Olea” at sa tulong ng Guinobatan Police, Provincial Intelligence Unit ay ginawa ang entrapment ng CIDG.
Agad inaresto ng mga operatiba ang mga suspek kasama mismo ang may-ari matapos tanggapin ang isanlibong marked money.
Nasamsam sa gasolinahan ang portable micro fuel dispenser na may dual calibrating pumps; nasa 500 litro ng petroleum products; at fuel tank na may lamang tinatayang 100-litro ng diesel fuel at gasolina na may kabuuang halaga na 2.32 milyong piso.
- Latest



















