2 mountaineer at 2 guides nawala ng 10-araw sa Mt. Sicapoo, nasagip
BAGUIO CITY , Philippines — Dalawang mountaineers mula sa Metro Manila at dalawa nilang local guides ang nasagip matapos ang kanilang pagkawala ng halos 10-araw sa isinagawang trekking o mountain hiking sa Mount Sicapoo sa Solsona, Ilocos Norte.
Sa ulat, ang grupo na nagkakaedad ng 28 hanggang 59 ay napag-alamang nagsimulang umakyat sa nasabing bundok nitong Marso 2 sa bayan ng Nueva Era, sa Ilocos Norte, at mag-e-exit dapat sa Solsona noong Marso 8 matapos ang kanilang 6-day trekk.
Gayunman, nabigo sila makabalik sa nakalagay na iskedyul at nawalan din ng komunikasyon sa kanila.
Dahil dito, nagsagawa ng search and rescue operations ang pinagsanib ng puwersa ng pulisya militar, Bureau of Fire Protection, at local disaster responders nang maiulat na nawawala ang apat.
Matapos ang halos 10 araw na paghahanap, ang mga trekkers nagawang makapagpadala ng mensahe na sinasabing kumikilos na sila paalis sa kanilang kinaroroonan, nang maibalik ang kanilang mobile signal. Kalaunan, napag-alaman ng mga rescuers na ang apat ay nakarating na sa may Karingking River sa Solsona.
Ang Mount Sicapoo, sa 2,354–2,361 MASL (meters above sea level), ay naitalang pinakamalaking bundok sa Ilocos Norte, at isa sa mga sinasabing masukal at pinakamahirap na akyatin ng mga trekkers o mountain climbers.
- Latest

















