Basilan nasa state of calamity sa El Niño

MANILA, Philippines — Dahil sa epekto ng nararanasang El Niño o matinding tagtuyot, isinailalim na sa state of calamity ang lalawigan ng Basilan.
Sa report na tinanggap ng Office of Civil Defense (OCD), inaprubahan ng Sangguniang Panlalawigan ang resolusyon na nagdedeklara nitong mga nakalipas na araw sa buong lalawigan sa state of calamity.
Sa pahayag ni Basilan Governor Mujiv Hataman, ilang barangay sa basilan ang nauubusan na ng suplay ng tubig habang apektado na rin aniya ang “Magtannah Program” kung saan binibigyan ng pinansyal na tulong ng pamahalaang panlalawigan ang mga magsasaka upang magtanim ng mga gulay, prutas at iba pa na pinagkukunan ng mga ito ng kabuhayan.
Sa ilalim ng resolusyon ay pinahinintulutan ang paggamit ng Provincial Quick Response Fund para magamit sa mga apektado ng El Niño.
Kaakibat nito, ayon kay Hataman ay ipatutupad ang “prize freeze” sa lahat ng mga pangunahing bilihin.
Inihayag ni Hataman na pinaghahandaan na ng lalawigan ang inaasahang papatindi pang tagtuyot base na rin sa pagtaya ng PAGASA na ang tagtuyot ay tatagal pa hanggang Marso 2027.
“Kasi maapektuhan ang food security natin,” ani Hataman na iginiit pang mayroon na rin silang nakalaang contingency measures upang matugunan ang epekto ng El Niño.
- Latest

















