Malaysian, 2 kasabwat todas sa shootout!

MANILA, Philippines — Patay ang tatlong hinihinalang notoryus na drug trafficker kabilang ang isang Malaysian national at babaeng kasabwat habang nasa P13.4 milyong halaga ng shabu ang nakumpiska matapos na mauwi sa shootout ang isinagawang buy-bust operation ng Philippine Drug Enforcement Agency-Bangsamoro Autonomouns Region in Muslim Mindanao (PDEA-BARMM) sa Brgy. Tubig Mampallam, Bongao, Tawi-Tawi kamakalawa ng hapon.
Kinilala ang mga napatay na suspect na sina Janimal Bin Hajad alyas “Ungod”, isang Malaysian; Sansibar Amirul Amil; pawang idineklarang dead-on-the-spot sa insidente habang namatay sa ospital babaeng kasabawat na si Alma Sarikin Amirul.
Nasa kustodya naman ng pulisya ang isa pang babaeng kasamahan ng mga napaslang na si Nurhaipa Ansari Hajim.
Sa ulat, alas-4:50 ng hapon nang isagawa ng pinagsanib na mga elemento ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Tawi-Tawi Provincial Office at ng tropa ng 4th Marine Riffle Battalion ng Philippine Marine, Tawi-Tawi Provincial Police Office (PPO) at iba pang units ng pulisya ang operasyon laban sa mga suspect sa Bon Siao Area, Brgy. Tubig Mampallam, bayan ng Bongao.
Nabatid na aarestuhin na sana ang tatlo kasama si Hajim matapos na mabentahan ng shabu ang nagsilbing poseur buyer ng PDEA, pero bigla silang pumalag at bumunot ng baril si Hajad saka pinaputukan ang Tawi-tawi team ng PDEA-BARMM na pinamumunuan ni Abraham Solon Kalim na nagbunsod ng shootout at ikasawi ng tatlo.
Ang isa pang babaeng suspek na si Hajim ay naaresto kasunod ng putukan.
Nakumpiska sa operasyon ang tinatayang nasa P13.4 milyong halaga ng shabu na nakasilid sa dalawang malalaking Chinese tea bags.
- Latest

















