Guro sa Pangasinan inutas ng tandem

MANILA, Philippines — Pinagbabaril hanggang sa mapatay ng riding-in-tandem ang isang guro ng pampunlikong paaralan sa Brgy. Carmay East, Rosales, Pangasinan, ayon sa ulat kahapon.
Kinilala ang nasawing biktima sa palayaw lamang nitong Jun, 53 taong gulang, idineklarang dead-on-arrival sa pagamutan sanhi ng tinamong mga tama ng bala sa katawan.
Sa report ni P/Captain Eugene Romma Navalta, deputy chief ng Rosales Municipal Police Station, naganap ang insidente kamakailan sa nasabing lugar habang ang biktima ay nagmamaneho ng motorsiklo pauwi sa kanilang tahanan galing sa bayan ng Sta. Maria ng lalawigan.
Ayon sa imbestigasyon, sinundan ng mga suspect ang biktima at saka pinagbabaril nang malapitan sanhi upang sumemplang ang motorsiklong minamaneho nito.
Narinig pa ng mga bystanders ang sunud-sunod na putok ng baril kung saan ilang saglit pa ay mabilis na nagsitakas ang mga salarin.
Narekober ng mga nagrespondeng pulis ang mga basyo ng bala ng cal. 45 pistol na ginamit sa krimen.
- Latest















