Anak ng parak niratrat na, ninakawan pa sa Albay
CAMALIG, Albay, Philippines — Sugatan sa mga tama ng punglo ang isang 25-anyos na anak ng isang pulis matapos na pagbabarilin at pagnakawan pa ng isang suspek sa Purok-3, Brgy. Cabangan, Camalig ng lalawigang ito kamakalawa ng hapon.
Nasa mabuti ng kalagayan sa Bicol Regional Hospital and Medical Center sa bayan ng Daraga ang biktima na kinilalang si Lambert, binata, residente ng bayan ng Sto.Domingo, Albay at anak ng isang pulis ng naturang bayan.
Sa ulat, dakong alas-2:50 ng hapon ay nakaangkas ang biktima sa Yamaha Aerox na motorsiklo ng kaibigang si Joel, 35-anyos. Habang binabagtas ang kahabaan ng barangay road nang bigla silang dikitan ng isang suspek na naka-itim na helmet, itim na jacket, naka-shorts at armado ng hindi malamang kalibre ng baril na sakay ng Honda XRM na motorsiklo. Bigla umano silang tinutukan ng baril at pinutukan ang biktima sa magkabilang bahagi ng kanyang hita at sa kaliwang binti. Bago tumakas ay kinuha ng salarin ang wallet at cellphone ng biktima.
Dalawang pulis mula sa Camalig Municipal Police Station na nagpapatrulya ang napadaan sa lugar at nakitang naka-upo sa tabi ng kalsada ang duguang biktima. Agad nakahingi ng responde sa ambulansya ng MDRRMO na siyang nagdala sa binata sa pagamutan habang mabilis namang naglunsad ng pursuit operation ang mga pulis laban sa suspek.
Patuloy sa ginagawang imbestigasyon ang mga mga kasapi ng Camalig PNP at nagba-back tracking ang mga imbestigador sa mga kuha sa CCTV camera upang matukoy ang pagkakakilanlan ng salarin.
- Latest

















