Portable stove sumabog: 11 stude sugatan!
Habang umaawit ng Happy B-day...
MANILA, Philippines — Labing-isang estudyante ang sugatan makaraang sumabog ang portable butane stove habang nagkakasiyahan sa selebrasyon ng kaarawan ng isa sa kanila sa loob ng isang restaurant sa Brgy. Caranglaan, Dagupan City, Pangasinan, ayon sa ulat kahapon.
Sa report ng Dagupan City Police, naganap ang birthday party na nauwi sa trahedya nitong Huwebes habang magkakasamang nagkakasayahan ang mga estudyante.
Kasalukuyan umanong kinakantahan ng “Happy Birthday” ng mga estudyante ang birthday celebrant na kaklase nang biglang sumabog ang nasabing portable butane stove sa gitna ng kanilang mesa na lumikha ng mistulang bolang apoy na tumama sa grupo.
Dahil sa pagsabog, nagsipag-panic ang ibang mga kustomer na nagsipagpanakbuhan palabas sa restaurant dulot ng matinding takot.
Sinasabing nagkaroon ng leak o tagas ang gas burner na siyang sanhi ng pagsabog ng nasabing stove na ikinasugat ng mga estudyanteng nagkakantahan.
Ang mga biktima ay nagtamo ng mga paso sa katawan at mabilis na isinugod sa pagamutan para malapatan ng lunas. Walo sa mga ito ay na-confine kabilang ang dalawa na kailangang isailalim sa operasyon habang tatlo naman ang nakalabas na matapos na malapatan ng pangunahing lunas.
Ayon sa mga staff ng restaurant, ito ang unang pagkakataon na may sumabog na portable butane gas stove sa kanilang kainan.
Nangako naman ang may-ari ng restaurant na sasagutin ang hospital bills ng mga nasugatang estudyante. Ang kasong ito ay patuloy na iniimbestigahan ng awtoridad.
- Latest



















