Namugot ng ulo ng Grade 9 student, arestado!

MANILA, Philippines — Naaresto na ng mga awtoridad nitong Sabado ang isang lalaki na pangunahing suspect sa karumal-dumal na pagpatay sa isang 15-anyos na Grade 9 student na pinugutan nito ng ulo matapos gahasain sa isang tubuhan sa Valencia City, Bukidnon, ayon sa ulat kahapon.
Sa report ng Bukidnon Police, ang nasakoteng suspect ay nakilalang si Marlon Rosaot, residente ng Brgy. Dagat Kidavao ng nasabing lalawigan. Siya ay nasakote sa bulubunduking bahagi ng Brgy. Banlag ng lungsod na ito ng pinagsanib na elemento ng militar at pulisya sa tulong ng mga lider ng tribong Bagani at mga barangay tanod.
Ang suspek ang sinasabing gumahasa at pumatay sa biktimang si Jenniffer Encarnacion na unang iniulat na may dalawang araw nang nawawala. Ang bangkay nito ay nadiskubre na walang ulo noong Enero 8, 2026 sa taniman Ng tube sa Brgy. Dagat Kidavao, Valencia City.
Si Encarnacion, estudyante ng Buco-Sinait Integrated School ay unang iniulat ng kanyang pamilya na nawawala noong Enero 6 matapos na mabigong makauwi sa kanilang tahanan.
Hindi naman nakapalag ang suspect matapos arestuhin ng mga awtoridad nang makorner sa kaniyang pinagtataguan sa kagubatan.
Nabatid sa mga awtoridad na nakatulong ng malaki ang tribo ng mga Bagani para matunton ang pinagtataguan ng nasabing suspect.
Base pa sa report, nagkaroon pa ng tensyon sa pagkakaaresto ng suspect dahil sa naging emosyonal ang pamilya ng biktima pero nagawa naman silang payapain ng mga awtoridad sa kanilang galit upang huwag saktan ang suspect na nais nilang buweltahan.
- Latest


















