Tserman natiklo sa P2.78 milyong droga
MANILA, Philippines — Bagsak kalaboso ang isang barangay chairman matapos itong mahulihan ng P2.78 milyong halaga ng shabu at marijuana sa buy-bust operation sa Janiuay, Iloilo nitong Miyerkules.
Sa report ng Iloilo Police Provincial Police Office-Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU), kinilala ang nasakoteng suspect na si Jeguer “Junjun” Verbal, 51-anyos, Chairman ng Brgy. Canauili, Janiuay ng lalawigang ito.
Sa ulat, bandang alas-10:00 ng umaga nang magsagawa ng anti-drug operations ang mga operatiba laban sa suspect na matagal ng isinasailalim sa surveillance operations ng mga otoridad.
Nabatid na nakatanggap ng impormasyon ang pulisya hinggil sa aktibong pagtutulak ng droga ng nasabing barangay captain na ginamit ang kaniyang posisyon sa illegal nitong aktibidades.
Ayon sa Iloilo Police ang suspect ay itinuturing na High Value Individual (HVI) sa kanilang drug watch list na nakapiit na sa Janiuay Municipal Police Station (MPS).
- Latest





















