Babae utas sa tuklaw ng King Cobra

Sa New Year’s outing..
CEBU, Philippines — Nauwi sa trahedya ang isang “New Year’s outing” matapos masawi ang isang 34-anyos na babae na natuklaw ng ahas na “King Cobra” sa isang liblib na lugar sa Kulaman Valley, Arakan, North Cotabato, ayon sa ulat kahapon.
Kinilala ang biktima na si Jenisa Mandi, residente ng Brgy. Gutalid, Kitaotao sa lalawigan ng Bukidnon.
Sa ulat kahapon sa Office of Civil Defense (OCD) North Cotabato, nagtungo sa lugar ang biktima kasama ang pinsan nitong si Andres Lavidan at ilan pang mga kaibigan upang maligo sa ilog bilang bahagi ng kanilang selebrasyon nitong Bagong Taon sa pagsisimula ng 2026 nang mangyari ang insidente.
Sa pahayag ni Lavidan sa mga awtoridad, kasalukuyan nang naglalakad sa masukal na bahagi ng nasabing lugar patungo sa ilog ang grupo nang biglang sumulpot sa daan ang nabulabog na “King Cobra” at bigla nitong tinuklaw ang biktima.
Ang “King Cobra” ay tinatawag ng mga residente rito bilang banakon o isang uri ng makamandag na ahas na nakamamatay.
Nagawa namang mapatay ng grupo ang nasabing ahas at mabilis na isinugod ang biktima sa Bukidnon Provincial Hospital sa Maramag pero hindi na siya umabot nang buhay.
Nabatid na apat na oras ang ibiniyahe ng grupo para madala sa nasabing pagamutan ang biktima kung kaya kumalat na sa katawan nito ang kamandag ng cobra.
- Latest
























